Governor Mandanas, ibinida ang Batangas sa Malaysia

Panalangin sa Marian Regatta 2016, nakasentro sa kalikasan at kabataan
September 8, 2016
Lipa Carmel pinuno ng pilgrims sa 13th National Day of Prayer
September 15, 2016

Pinaunlakan ni Governor Hermilando I. Mandanas ang imbitasyong magbigay ng Statement of Hope bilang kinatawan ng Pilipinas at bilang ama ng Batangas sa ginanap na Pangkor Dialogue sa Ipoh, Perak, Malaysia noong ika-5 ng Setyembre, 2016.

Sa temang “Building Resilience for Inclusive and Sustainable Future,” nagkaroon ng pagkakataon si Governor Mandanas na ibahagi ang kanyang karanasan sa pamumuno sa Batangas. Kabilang sa kanyang mga ibinidang katangi-tanging pagkakakilanlan ay ang kanyang programang nakasentro sa edukasyon at kalusugan, ang pagiging “most powerful province” nito, at ang mayabong na likas na yamang matatagpuan dito.

Ayon kay Governor Mandanas, ang kanyang inisyatibo ay pagsulong sa kaunlarang mararamdaman at sapat para sa mamamayan. Nakasentro ang kanyang programa hindi lamang sa edukasyon at kalusugan kung hindi sa pagpapalawig ng pangkabuhayang maaaring maitulong ng pamahalaan.

Inilatag niya ang kanyang programa sa edukasyon kung saan may libreng paaral mula elementary hanggang high school, scholarship grants sa mga tutuntong ng senior high at kolehiyo, bagong pasilidad para sa pagsabay sa digital age at libreng internet access o wireless fidelity sa buong lalawigan. Samantalang sa kanyang programang pangkalusugan, target niya ang magbigay ng quality health assistance para sa mga nangangailangan.

Binigyang-diin ni Governor Mandanas ang mga ganitong programa dahil itinuturing niyang pinakamahalagang resource ay ang mamamayan. Kung kaya, nais niyang palawigin ang kooperatiba sa lalawigan para mapaunlad ang kabuhayan ng nakararami at mabigyan sila ng pagkakataong maging kabahagi ng pag-unlad ng buong Batangas.

Nabanggit din ng gobernador ang pangangalaga sa likas na yaman sapagkat itinuturing ang Batangas na pinakamakapangyarihang probinsya sa bansa dahil sa pag-supply nito ng kuryente, fuel mula sa natural gas, geothermal power at coal power.

Sa huli ay hinimok ni Governor Mandanas ang mga dumalo sa Pangkor Dialogue na hindi natatapos ang lahat sa kaalaman ng kasalukuyang pangyayari sa kapaligiran, kung hindi mas may maidudulot na pagbabago kung maipapangako ng lahat na magkakaroon ng bukas na puso at isipan magbahagi ng karanasan at matuto ng maraming bagay lalo na sa teknolohiya na tutugon sa pangangailangan ng nakararami.

Naroon din para magbigay ng kanilang statements of hope sina: Prof. Koutoub Moustapha Sano na Minister in the President Office ng Republic of Guinea; Mr. T.R. Zeliang na Chief Minister ng Nagaland, India; Mr. Abdul Rishad Badiutheen na Minister of Industry and Commerce ng Sri Lanka at Dato Seri Diraja Dr Zambry Abd Kadir na Chief Minister ng Perak, Malaysia.

Kristina Marie Joy B. Andal– Batangas PIO Capitol | Photo courtesy of PIDD

Like
Like Love Haha Wow Sad Angry
1

Leave a Reply