Panalangin sa Marian Regatta 2016, nakasentro sa kalikasan at kabataan

Batangueño Superstar
September 2, 2016
Governor Mandanas, ibinida ang Batangas sa Malaysia
September 13, 2016

Sa pangunguna ni Archbishop Ramon Arguelles, muling isinagawa ang Marian Regatta o fluvial procession sa Lawa ng Taal para ipagdiwang ang kaarawan ng Mahal na Birheng Maria noong ika-8 ng Setyembere, 2016.

Ang prusisyong ito ay bahagi ng ika-limang Taal Lake Festival na isinagawa bilang pag-alala sa 13th National Marian Days of Pilgrimage and Prayer in Lipa mula ika-7 hanggang ika-12 ng Setyembre.

Pagsapit ng alas-sais ng umaga ay nagsimulang pumalaot ang mga bangka mula sa coastal towns na kinabibilangan ng Balete, Talisay, Agoncillo at Sta. Teresita. Matapos ang halos tatlong oras na pag-ikot sa buong lawa ay dumaong sa Balete ang mga bangka para isagawa ang isang misa sa covered court ng nasabing bayan.

Nagtipon-tipon ang mga pari, madre, seminarista, deboto, estudyante, guro at mga opisyal at kawani ng gobyerno para sa isang Eucharistic mass na pinangunahan ni Archbishop Arguelles.

Nakapaloob sa homiliya ni Archbishop Arguelles ang panalangin at pakiusap na pangalagaan ang kalikasan para sa kabataan. Humingi din siya ng tulong mula sa gobyerno upang maisakatuparan ang kanyang hangaring protektahan ang Lawa ng Taal at likas na yaman na mayroon ang lalawigan.

Nakiisa din si Governor Hermilando I. Mandanas sa layunin ni Archbishop Arguelles at nangakong pangangalagaan ang Lawa ng Taal at maging ang kayamanang mayroon ang Batangas sa pamamagitan ng paggpigil sa pagtatayo ng mga bagong coal power plants sa lalawigan. Nagpasalamat din siya sa Panginoong Diyos at sa Mahal na Birheng Maria sa yamang ipinagkaloob sa lalawigan.

At mula sa yamang taglay ng Batangas ay nakatutok ang mga programa ng gobernador sa edukasyon para sa kabataan at ang kalusugan at kaligtasan ng bawat mamamayang Batangueño. Dahil dito, masisiguro ng gobernador na mapapangalagaan nang husto ang likas na yaman ng lahat ng Batangueñong may kaalaman sa tungkuling dapat ibalik sa kanilang kapaligiran.

Humiling din sa natatanging pagkakataon si Arcbishop Arguelles mula sa ama ng lalawigan ng kooperasyon para mapagtagumpayan nila ang panalangin ng karamihang nakasentro sa kalikasan at kabataan mula sa mga dumalo sa Marian Regatta at misa sa Balete. Agad namang tumugon si Governor Mandanas ng kanyang suporta sa kahilingan ng arsobispo sa kabila ng “separation of church and state”.

Patunay ang pagkakasundo ng simbahan at gobyerno na maaaring magkaroon ng pagkakaisa na nakaugat sa kanilang pagmamahal para sa kalikasan at mamamayan sa Batangas.

Kristina Marie Joy B. Andal– Batangas PIO Capitol

 

 

Like
Like Love Haha Wow Sad Angry

Leave a Reply