Bagong PCR Molecular Lab sa Lalawigan ng Batangas, Binuksan na

Batangas Capitol Employees, Negatibo sa COVID-19
July 8, 2020
Estado at mga Planong Panturismo sa Batangas, Tinalakay ng Batangas Tourism Council
July 10, 2020

July 9, 2020

Matapos mabigyan ng sertipikasyon ng Research Institute for Tropical Medicine (RITM) bilang isang accredited Coronavirus Diseases 2019 (COVID-19) Testing Center, pormal nang binuksan ang pinakabagong molecular laboratory ng Philippine Red Cross (PRC) sa Lalawigan ng Batangas noong ika-8 ng Hulyo 2020.

Ang nasabing laboratoryo, na donasyon ng Lucio Tan Group, Inc., ay inaasahang magpapalakas pa sa kasalukuyang kampanya na makontrol at tuluyang masugpo ang nasabing pangkalusugang krisis.

Dinaluhan ang inauguration at blessing ceremony ng pasilidad ni PRC Chairperson and Chief Executive Officer, Senator Richard Gordon, kasama sina PRC Secretary General Elizabeth Savalla, Deputy Chief Implementer for the National Action Plan Against COVID-19 Secretary Vince Dizon, at Director Vicente G. Ramos.

Kasama ring nakiisa sa seremonya sina Governor DoDo Mandanas, sa pamamagitan ng video and audio conferencing, Vice Governor Mark Leviste, Batangas City Mayor Beverley Rose Dimacuha, at mga kinatawan ng Batangas Provincial Health Office.

Ayon kay Gordon, ang naturang testing facility ay mayroong sariling Reverse Transcription – Polymerase Chain Reaction (RT-PCR) machines, na may kakayahang magsagawa ng 4,000 na pagsusuri kada araw. Ito, aniya, ang may pinakamalaking testing capability sa buong rehiyon ng CALABARZON, at kaya ring makapagsuri ng mga samples mula sa mga karatig probinsya.

Sa pamamagitan nito, mas bibilis ang identification at isolation ng mga mag-popositibo sa sakit, nang sa gayon ay mabigyan ng agarang atensyong medikal.

“Kapag na-test na ang mga tao, makakapagbukas na ulit ang mga pabrika at iba pa dito dahil makakapasok na ang mga empleyado nila. Kaya natutuwa ako dahil pwede nang magsimula ng operations dito sa Batangas kasi marami tayong mga pabrika dito,” dagdag pa ni Gordon.

Ang PCR molecular lab ay matatagpuan sa dating Blood Center ng Philippine Red Cross sa Lungsod ng Batangas, na lupang donasyon ng Pamahalaang Panlalawigan ng Batangas.

Sa tulong na bagong laboratory inaasahan na mas mapapataas pa nito ang total testing capacity, mula sa kasalukuyang 32,000 tests per day.

Samantala, ang pasilidad na ito sa lalawigan ay isa lamang sa dumaraming testing laboratory sa bansa, kabilang ang mga bagong molecular laboratories sa dating headquarters ng PCR sa Port Area ng Maynila, Subic, Clark, at Mandaluyong.

M.J.Macaraig / Photo: E.V.Zabarte – Batangas Capitol PIO with reports from Philippine Red Cross

Like
Like Love Haha Wow Sad Angry

Comments are closed.