Water Quality Testing sa mga Water Tributaries sa Paligid ng Taal Lake, Nagpapatuloy

149 Bags ng Dugo, Nakolekta sa Mass Blood Donation sa Bauan
July 21, 2023
Vice Gov. Marc, Nagbigay-ulat Patungkol sa SP 29th Regular Session
July 22, 2023

July 21, 2023

Laurel, Batangas- Tinungo ng mga tauhan ng Department of Environment and Natural Resources-Protected Area Management Office (DENR-PAMO) at Batangas Provincial Government Environment and Natural Resources Office (PGENRO) ang Bayan ng Laurel para ipagpatuloy ang serye ng Water Quality Monitoring para sa mga downstream at mid-stream tributaries, na mga katawang tubig na direktang dumadaloy pababa tungo sa lawa ng Taal.

Noong ika-19 ng Hulyo 2023, kumuha ng water samples ang technical team ng mga nasabing tanggapan sa Mid-Stream Section ng Tabanga River sa Barangay Poblacion, Bayan ng Laurel upang mapag-aralan ang iba’t-ibang parametro nito na nagsasaad ng mga numero at katangian, na nagpapakita kung ito ay nasa ligtas at maayos na kalidad.

Sa panayam kay Gina Roquena Medanilla, Senior Environmental Management Specialist ng PGENRO, partikular na tinutukan o minamatyagan ang mga parametro o assigned guideline values ng mga katubigan patungkol sa total suspended solids, oil and grease, fecal coliform count at heavy metal analysis.

Lumalabas sa monitoring, dalawa sa mga assigned guideline values ang mataas ang bilang ng parametro. Ito ay ang fecal coliform count, na bunga ng human at animal wastes, at phosphate analysis, samantalang ang mga nalalabing guided values ay nanatiling normal, sa kasalukuyan.

Dahil nga sa ang mga water tributaries ay bahagi ng Taal Volcano Protective Landscape (TVPL) ng Lalawigan ng Batangas, minabuti ng DENR at PG-ENRO na matyagan at siguraduhin na, sa pamamagitan ng mga isinasagawang water quality testing, ang mga katawang tubig sa paligid ng Taal Lake ay hindi makakaapekto sa kalidad nito, lalo na at isa ito sa pinakamahalagang body of water na kabilang sa mga malalaking sentro ng aquaculture sa bansa.

Samantala, nanawagan naman ang ilang mga residente sa mga kinauukulan, partikular sa Pamahalaang Panlalawigan ng Batangas, na paigtingin pa ang mga programang mangangalaga sa mga ilog at mga buhay na ilat o creek na pangunahing dinadaluyan ng tubig pababa sa Lawa ng Taal. Partikular dito ang kahilingan ng malawakang water quality testing at dredging sa ilang mga parte nito upang maiwasan ang pagtaas ng tubig sa bahaging dumadaloy sa bayan ng Laurel sa mga panahon ng tag-ulan at pag-bagyo.

Ang mga programa at proyekto sa pangangalaga ng mga katubigan, lalo na sa mga downstream areas ng Taal Lake, ay kabilang sa mga inisyatibong pangkapaligiran ng Kapitolyo, sa pangunguna ni Governor DoDo Mandanas, na sumisiguro na, sa kabila ng patuloy na pag–unlad ng lalawigan, hindi maisasakripisyo ang pangangalaga sa kapaligiran at mga likas yaman ng lalawigan.

Edwin V. Zabarte – Batangas PIO

Like
Like Love Haha Wow Sad Angry

Comments are closed.