149 Bags ng Dugo, Nakolekta sa Mass Blood Donation sa Bauan

Notice of Vacant Positions
July 20, 2023
Water Quality Testing sa mga Water Tributaries sa Paligid ng Taal Lake, Nagpapatuloy
July 21, 2023

July 21, 2023

Naging matagumpay ang isinagawang mass blood donation activtity sa Bayan ng Bauan noong ika-19 ng Hulyo 2023 matapos makalikom ng may kabuuang 149 bags ng dugo ang Pamahalaang Bayan ng Bauan at Batangas Provincial Blood Council, sa pangunguna ng Provincial Health Office at Batangas Medical Center (BatMC).

Ayon kay Dr. Dan Joseph Olpindo, Medical Officer IV ng BatMC, ang isinagawang aktibidad ay may layunin na makapagdagdag sa suplay ng ligtas na dugo para sa kapakinabangan ng mga pasyente na higit na nangangailangan nito. Sang-ayon din ang adhikain na ito sa patuloy na pagsisikap ni Governor DoDo Mandanas na mapanatili ng lalawigan ang pagkakaroon ng maayos na access sa sapat, may mataas na kalidad, at libreng blood-related products.

Ibinahagi naman ng dalawa sa mga boluntaryong nag-alay ng dugo sa Bauan na sina Arminda Alejandre ng Poblacion IV at Sarry Ilagan ng Barangay Bolo ang kahalagahan na maging kaisa ng makabuluhang gawain na ito. Ayon sa kanila, hindi lamang ito pagpapakita ng pagmamalasakit para makatulong sa mga kababayan na nangangailangan ng dugo, kung hindi may dalang benepisyo rin sa kalusugan.

Samantala, pinatunayan ng Barangay Health Worker na si Segunda Delos Reyes ng Barangay San Teodoro na hindi hadlang ang kaniyang kasalukuyang edad na animnapu’t dalawang taong gulang para patuloy na makapag-alay ng dugo. Aniya, nakagawian na niyang makibahagi sa mga ganitong uri ng gawain lalo pa umano na isa siyang volunteer worker na nasa larangan ng paghahatid ng serbisyong pangkalusugan.

Nagpaabot naman ng pasasalamat si Bauan Municipal Health Officer, Dr. Wiston Ilagan, sa lahat ng mga kababayang nagbigay ng dugo at tumulong upang maisakatuparan ang blood donation drive, kabilang ang Provincial Blood Council. Hinikayat din ni Dr. Ilagan ang iba pang eligible mag-donate ng dugo na makiisa sa mga isinasagawang blood-letting activities.

Bukod sa Pamahalaang Panlalawigan ng Batangas, naging kaagapay rin sa programa ang Department of Health, Philippine Medical Association – Bauan Medical Society, Rural Health Units ng Bauan, at mga Barangay Health Workers.

Magpapatuloy naman ang pagsasagawa ng mga kaparehong aktibidad sa iba pang mga bayan at lungsod sa lalawigan bilang bahagi ng obserbasyon ng National Blood Donor’s Month tuwing buwan ng Hulyo.

Mark Jonathan M. Macaraig/Photos: Karl Ambida – Batangas Capitol PIO

Like
Like Love Haha Wow Sad Angry

Comments are closed.