Vice Gov. Marc, Nagbigay-ulat Patungkol sa SP 29th Regular Session

Water Quality Testing sa mga Water Tributaries sa Paligid ng Taal Lake, Nagpapatuloy
July 21, 2023
Supplemental / Bid Bulletin No. 01 – Terms of Reference (TOR) for Project # O-005
July 26, 2023

July 22, 2023

Dalawang mahahalagang paksa ang ibinahagi ni Vice Governor Marc Leviste sa kaniyang naging panayam sa B’yaheng Kapitolyo, ang opisyal na programang pangradyo ng Pamahalaang Panlalawigan ng Batangas, kaugnay sa mga naipasang resolusyon sa nakaraang 29th regular session ng Sangguniang Panlalawigan ng Batangas (SP) noong ika-17 ng Hulyo 2023.

Sa naturang panayam noong ika-19 ng Hulyo 2023, unang inilahad ng bise gobernador ang pagkakapasa ng isang resolution para sa Committee on Agriculture. Ito, aniya, ay patungkol sa pag-endorso sa Regional Development Council (RDC) at Philippine Fisheries Development Authority (PFDA) ng proposed Regional Fish Port Complex Project ng pamahalaang panlalawigan, sa pamamagitan ng Provincial Development Council (PDC).

Dagdag pa ni Vice Gov. Leviste na ang proyekto ay tiyak na mapapakinabangan, hindi lamang ng mga Batangueño at mga mamamayan ng Timog Katagalugan, kung hindi pati na rin ng buong bansa.

“…this is advantageous for the market, sapagkat kung accessible ang pantalan…we hope that the prices of aquaculture, marine agriculture will be lowered dahil mas malapit at convenient sa mga mamimili…pag-angkat at pagbili ng isda at iba pang yamang-dagat,” ani ng bise gobernador.

Bukod dito, ipinunto rin niya na, “ang pinuno ng RDC ay si Gov. DoDo Mandanas [at] hindi lamang niya ginagawa ito sa Batangas, kung hindi pati na rin sa buong Pilipinas.”
Tinalakay rin ni Vice Gov. Leviste ang ipinasang SP Resolution No. 971 na nagbibigay ng awtoridad upang lumagda at makapasok si Gov. Mandanas sa isang kasunduan o Memorandum of Understanding (MoU) sa pagitan ng pamahalaang panlalawigan at Department of Human Settlements and Urban Development (DHSUD). Ang MoU ay patungkol sa housing program para sa mga kawani ng Kapitolyo.

Kaugnay nito, pormal nang nilagdaan nina Gov. Mandanas at Secretary Jose Acuzar ng DHSUD ang naturang MoU noong ika-18 ng Hulyo 2023 sa Quezon City.

Samantala, tuloy-tuloy rin ang ginagawang pagtutok ni Batangas vice governor, na tumatayo rin bilang SP Chairperson ng Committee on Tourism and Cultural Affairs, sa turismo ng lalawigan. Patuloy siyang nakikipag-ugnayan sa tanggapan ng Provincial Tourism and Cultural Affairs Office, na personal na pinamumunuan ni Gov. Mandanas sa kasalukuyan, para maisulong ang iba’t ibang tourism development and promotion initiatives sa lalawigan.

Mark Jonathan M. Macaraig – Batangas Capitol PIO

Like
Like Love Haha Wow Sad Angry

Comments are closed.