March 29, 2023
Isang magkasanib na pagdinig ng Committee on Peace and Order and Public Safety at Committee on Public Works and General Services ang isinagawa kahapon, ika-27 ng Marso 2023, tungkol sa pagbili ng mga baril at status ng License To Own And Possess Firearms (LTOPF) ng Pamahalaang Panlalawigan ng Batangas sa Salvador H. Laurel Session Hall, Apolinario M. Mabini Legislative Building, Capitol Site, Lungsod ng Batangas.
Dumalo sa nasabing hearing sina Vice Governor Mark Leviste; Batangas Association of Barangay Captains (ABC) President, Board Member Wilfredo Maliksi; Police Master Sergeant Alfonso Ebite at Police Staff Sergeant Jayson Bañez ng Batangas Police Provincial Office; at ilang mga ABC presidents ng mga munisipalidad ng probinsya.
Sa pagtitipon, na pinangunahan ni 5th District Board Member Arthur Blanco, na chairperson ng dalawang komitiba ng Sangguniang Panlalawigan, kabilang sa tinalakay ang lisensya ng mga baril na ginagamit ng mga Provincial Public Order and Safety Department (PPOSD) personnel. Ibinahagi ni PPOSD Department Head, Atty. Genaro Cabral, na na-renew na ng pamahalaang panlalawigan ang mga LTOPF noong ika-16 ng Oktubre 2021.
Idinagdag pa nito na walong taon na ang nakaraan nang huling bumili ang kanilang tanggapan ng mga baril, at, base sa kasalukuyang nangyayaring mga insidente ng karahasan, partikular sa mga lingkod bayan, at dumarami na lalo ang mga imprastruktura na dapat mabantayan ng PPOSD, nagpaplano na sila bumili ng mga bago units ngayong taon para magamit ng kanilang mga tauhan.
Iminungkahi naman ni Ginoong Medel Medrano, ABC President ng San Pascual, na kung mamarapatin ay mabigyan ang 34 na ABC presidents ng lalawigan ng mga baril para sa kanilang kaligtasan at proteksyon sa pagganap nila sa kanilang tungkulin.
Sinang-ayunan ni Atty. Cabral ang panukala, ngunit, ayon sa kanya, hindi pinapayagan ang pamahalaang panlalawigan, sa pamamagitan ng PPOSD, na mag-isyu ng baril sa mga kapitan ng barangay, maging sa mga pangulo ng kanilang asosasyon, ayon sa Commission on Audit.
Jayne Elarmo – Batangas Capitol PIO