March 29, 2023
Pinangunahan ng Provincial Cooperative, Livelihood and Enterprise Development Office (PCLEDO), katuwang ang Cooperative Development Authority (CDA), ang Kooperatiba Para Sa Kabataan: Programa, Oportunidad na Pangkabuhayan (K-POP) noong ika- 28 ng Marso 2023 sa Provincial Auditorium, Capitol Compound, Lungsod ng Batangas.
Dinaluhan ang seminar ng mga grupo ng mga kabataan mula sa iba’t ibang bayan at lungsod sa CALABARZON Region, na mainit na tinanggap ng Pamahalaang Panlalawigan ng Batangas, sa pangunguna nina Gov. DoDo Mandanas at PCLEDO Department Head Celia Atienza.
Layunin ng programang K-POP na pukawin ang interes ng mga kabataang kalahok na maging negosyante na may high-end view sa paglikha ng mga trabaho, sa halip na sila ang mga naghahanap ng trabaho. Hinihikayat din nito ang mga kabataang negosyante na lumahok sa mga kooperatiba upang mas mabigyan sila ng mga pagkakataon makalahok sa mga proyekto ng pamahalaan. Kabalikat din ng programa ang Technical Education And Skills Development Authority (TESDA) na maaaring makapagbigay sa mga kabataang ng trainings at scholarship programs.
Nakaisa sa nasabing programa sina CDA IV-A Regional Director Salvador Valeroso, Department of Trade and Industry IV-A Officer In-Charge Regional Director Marissa Argente, Department of Labor and Employment – Batangas Province Livelihood Development Specialist Robert Rodelas, Provincial Assistance for Community Development Office Department Head Fredesvinda Mendoza, Sangguniang Kabataan Provincial Federation President at Board Member Maria Louise Gamo-Valle, at mga kinatawan ng ilang mga kooperatiba sa lalawigan.
Ginawaran ng CDA IV-A si Gov. Mandanas ng sertipiko ng pagkilala sa tuloy-tuloy at aktibo nitong pagsusulong ng kooperatibismo sa Lalawigan ng Batangas at pagpapatupad ng mga kapaki-pakinabang na mga programang sumusuporta sa mga kabataang Batangueño.
Jayne Elarmo, Batangas Capitol PIO