Tsunami Contingency Planning Isinagawa ng Pamahalaang Panlalawigan ng Batangas

Mga Ordinansa, Inisyatibo para sa Health at Education Sector, Ibinahagi ni 2nd District BM Magboo
August 4, 2023
VG Leviste: Ordinansa para sa Batangas Micro, Small and Medium Enterprises Development Council Pasado Na
August 4, 2023

August 4, 2023

Isinagawa ng Pamahalaang Panlalawigan ng Batangas ang isang formulation workshop sa pagbuo ng Tsunami Contingency Plan bilang paghahanda sa posibleng tsunami disaster na maaaring lumikha ng malawakang pagbaha sa baybayin ng Lalawigan ng Batangas.

Ang nasabing workshop, na nagganap noong ika-27 hanggang 28 ng Hulyo 2023 sa Tanville Garden Resort, Brgy. Namunga, Bayan ng Rosario, ay naglalayong makapagbanghay ng magiging tugon ng probinsya sa kung sakaling may malakihang tsunami na makaabot sa lalawigan, na magdudulot ng mga pagbaha, pagkasira ng mga ari-arian at pagkawala ng buhay sa mga apektadong lugar.

Kabilang sa mga tinutukoy at tinututukan dito ay ang 15 na coastal municipalities, kasama ang mga bayan ng San Juan, Lobo, San Pascual, Tingloy, Mabini, Bauan, San Luis, Sta. Teresita, Taal, Lemery, Balayan, Calatagan, Lian, Nasugbu, at Batangas City.

Nagpasalamat si Dr. Amor Banuelos Calayan, department head ng Provincial Disaster Risk Reduction and Management Office, sa mga ahensya at tanggapan ng pamahalaang panlalawigan na dumalo sa nasabing pagtitipon.

Dagdag pa ni Dr. Calayan, hangad ng 2-day workshop na patuloy na mapalakas ng lalawigan ang kakayahan nito sa emergency services and response, sang-ayon sa direktiba ni Governor DoDo Mandanas. Kapag nakumpleto, maaaring kilalanin aniya ang Batangas na pinaka-unang probinsya na magkakaroon ng Tsunami Contingency Plan sa Pilipinas.

Nagsilbing speaker at facilitator sina Development Management Officer III Herbert Zapata at Senior Education Program Specialist Edward Landayan ng Department of the Interior and Local Government – Central Office Disaster Information Coordinating Center (CODIX).

Nakiisa sa planning ang mga kinatawan ng iba’t ibang opisina ng pamahalaang panlalawigan, Philippine Coast Guard, Bureau of Fire Protection, Philippine National Police, mga non-government organizations at mga kompanyang katuwang ng pamahalaan mula sa pribadong sektor.

Mon Antonio A. Carag III – Batangas Capitol PIO

Like
Like Love Haha Wow Sad Angry

Comments are closed.