Mga Ordinansa, Inisyatibo para sa Health at Education Sector, Ibinahagi ni 2nd District BM Magboo

Batangas Provincial PWD President Nelson Adante Nahalal bilang Treasurer ng CALABARZON Federation
August 3, 2023
Tsunami Contingency Planning Isinagawa ng Pamahalaang Panlalawigan ng Batangas
August 4, 2023

August 4, 2023

Tuloy-tuloy at pinagtutuunan ng pansin ang mga katagang binigyang-diin ni Batangas 2nd District Board Member (BM), Dr. Arlina Magboo, para sa kaniyang naging pagbabahagi ng ilang mga mahahalagang programa at ordinansa sa isinagawang panayam ng B’yaheng Kapitolyo, ang opisyal na programang pangradyo ng Pamahalaang Panlalawigan ng Batangas, noong ika-1 ng Agosto 2023.

Si Bokala Magboo, na nasa ikatlong termino na ng kaniyang panunungkulan, ay ang kasalukuyang humahawak, bilang chairperson, ng Committees on Health and Sanitation at Education ng Sangguniang Panlalawigan ng Batangas.
Unang ibinahagi ng kinatawan ng ikalawang distrito ang kaniyang nakaraang panunumpa bilang Pangulo ng Lady Local Legislators’ League of the Philippines, Inc. (Four-L) – Batangas ALA EH Chapter. Si Bokal Magboo ay muling nahalal sa nasabing posisyon matapos isagawa ang eleksyon nito noong ika-5 ng Hulyo 2023.

Tiniyak naman ng bokala ang patuloy na pagtatrabaho, hindi lamang para sa kapakinabangan ng ikalawang distristo, kung hindi pati na rin sa buong Lalawigan ng Batangas. Kaugnay rito ang dalawang komite na kaniyang hinahawakan na sumasakop sa mga inisyatibong pangkalusugan at pang-edukasyon ng probinsya.
Sa hanay ng kalusugan, inilahad niya ang ilang mga makabuluhang ordinansa, tulad ng “No Smoking and Vaping Ordinance” ng lalawigan, na ipinagmamalaki niyang ibinahagi na nanguna ang Batangas sa pagkakaroon ng ganitong batas.

“Kasi ang aking ama ay nagkaroon ng Chronic Obstructive Pulmonary Disease (COPD) because chain smoker siya, at nakita ko ang hirap. Kaya minabuti natin, i-regulate natin…ilagay sa tama,” ayon sa Committee on Health chair.

Dagdag pa niya, “Ganoon ang ginawa natin, at nakatulong ito…at coordinated din ito sa isang ordinansa ko na Tuberculosis Elimination Program of the Province, nilalayon natin na tapusin ang Tuberculosis.”
Buong-pagmamalaki rin na ipinabatid ni Bokala Magboo na ang mga batas na ito ay nai-present na sa ilang mga bansa sa Europa at America, dahil tunay aniyang kinikilala ang lalawigan na mayroong best practices pagdating sa mga programang ito.

Ilan pa sa mga health-related ordinance ng 2nd District BM ay ang Prevention and Reduction of Vector Diseases, kung saan kabilang ang mga programa patungkol sa Dengue at Malaria, at ang Drug Consignment System Ordinance, na kauna-unahan naman niyang ordinansa na may layuning gawing laging mayroong makukuha at magagamit na mga gamot sa ospital.

Isa rin sa kaniyang tinututukan na may kaugnayan sa programang pangkalusugan ay ang pakikiisa sa layunin ni Governor DoDo Mandanas na maisulong ng wasto ang implementasyon ng Universal Health Care Law sa lalawigan at sa buong bansa.

Sa larangan naman ng edukasyon, ipinarating ni Bokal Magboo na buong-suporta ang kaniyang tanggapan sa paglulunsad ngayong taon ng Brigada Eskwela at sa nalalapit na pagbubukas ng School Year 2023-2024. Ayon sa kaniya, bilang kasaping miyembro ng Provincial School Board, hinihikayat niya ang mga Parents-Teacher Association o PTA na sumulat lamang ng kanilang mga request o kahilingan para sa maayos na assessment at budgeting ng school board.

Dagdag pa niya, kaakibat din ng pagbibigay ng mga school supplies at materials ay ang pamamahagi ng binhi o vegetable seeds para mapalakas pa ang “gulayan sa paaralan” program.

Bukod sa dalawang committee na hinahawakan ni Bokal Magboo, nakatuon din ang kaniyang serbisyo sa pagpapalawig ng mga proyekto ng pamahalaan pagdating sa livelihood at social services.

“Nagpapasalamat ako kay Gov. Mandanas…hinayaan kaming mga bokal na makapagpaabot ng tulong,” pagbabahagi pa ng bokala. “Pero ang malaking pondo ko ay nasa educational assistance, katulad ng gobernador, naniniwala ako na ang mga kabataan ang pag-asa…sa ikakaganda pa ng Lalawigan ng Batangas.”

Samantala, bilang tumatayo rin na Vice Chairperson ng Provincial Nutrition Council, nagpaalala siya sa kahalagahan ng pagtatanim o urban gardening para sa pagkakaroon ng food security at sustainability.

Mark Jonathan M. Macaraig – Batangas Capitol PIO

Like
Like Love Haha Wow Sad Angry

Comments are closed.