State of Calamity Idineklara sa Mabini, Tingloy at Batangas City

Regional Response Cluster, Nagtipon para sa Agarang Pagtugon sa Epekto ng Lindol
April 10, 2017
PHIVOLCS Earthquake Briefing Sa Kapitolyo
April 11, 2017

April 11, 2017

Pormal nang idineklara ng Pamahalaang Panlalawigan ng Batangas ang State of Calamity sa ilang bayan ng Batangas Province nang aprubahan ito ng Sangguniang Panlalawigan ng Batangas noong ika-10 ng Abril 2017, matapos ang magkakasunod na lindol noong April 4 at 8, 2017.

Sa pamamagitan ng nasabing deklarasyon, maaari nang magamit ng Pamahalaang Panlalawigan ng Batangas, sa pangunguna ni Gov. Dodo Mandanas, ang halagang PhP 49.2 Milyon mula sa Quick Response Fund para sa agarang pagpapatupad ng mga relief operations, rehabilitasyon at iba pang post-disaster projects.

Tanging ang mga bayan ng Mabini, Tingloy at Lungsod ng Batangas ang isinailalim sa State of Calamity dahil sa ang mga nasabing local government units ang pinaka-apektado ng mga pagyanig, na sa talaan ng Philippine Institute of Volcanology and Seismology (Phivolcs) ay umabot na sa mahigit 2,000 aftershocks, mula nang maramdaman ang magnitude 5.5 earthquake noong Abril 4, 2017.

Sa isang special session, napagkasunduan ng mga lokal na mambabatas, sa pangunguna ni Vice Gov. Nas Ona, na ideklara lamang ang state of calamity sa piling mga bayan na nauna nang nagdeklara sa kanilang mga lokalidad, sa halip na sa buong lalawigan. Ito ay bunsod ng petisyon ng ilang mga LGU, tulad ng San Juan at Nasugbu, na nangangambang bumaba ang bilang ng mga bibisita sa kanilang mga tourist destinations kapag inilagay sa state of calamity ang lahat ng bayan ng Batangas Province.

Binigyang-diin naman ng mga SP board members na nakahanda silang magkaroon muli ng special session upang mabilis na ma-aprubahan kung may iba pang mga bayan sa lalawigan na magdedeklara ng state of calamity sa kanilang nasasakupan.
Sa kasalukuyan, patuloy ang mga information drive ng isinasagawa ng Provincial Disaster Risk Reduction Management Office, na pinamumunuan ni Mr. Lito Castro, sa pakikipagtulungan sa Dept. Social Welfare and Development, Dept. of Public Works and Highways, Philippine Red Cross, at iba pang mga ahensya ng pamahalaan at non-government organizations. Vince Altar – Batangas Capitol PIO

Like
Like Love Haha Wow Sad Angry

Comments are closed.