Slipper Oyster Culture Project, Inilunsad ng Provincial Agri Office sa San Juan

Fire Brigade Skills Training, Nilahukan ng mga Piling Empleyado ng Kapitolyo
September 26, 2022
1st Seniors Hope Expo Ipinagdiwang sa Lalawigan
October 2, 2022

September 30, 2022

Noong Mayo 2022 o matapos ang walong buwan, nasa 480 na kilo ng talaba ang naani ng Samahan ng mga Magtatalaba ng Barangay Pinagbayanan, San Juan Batangas gamit ang isang balsa na ipinagkaloob ng Pamahalaang Panlalawigan ng Batangas.

Dahil sa tagumpay ng inisyal na gawaing ito, pormal nang inilunsad ng pamahalaang panlalawigan, sa pamamagitan ng Office of the Provincial Agriculturist (OPAg), ang Slipper Oyster Culture Project sa nasabing bayan noong ika-28 ng Setyembre 2022.

Apat na malalaking balsa ang muling ipinagkaloob ng Kapitolyo sa labinlimang kasapi ng samahan ng magtatalaba sa proyektong pangkabuhayang ito, na naisakatuparan katuwang ang Pamahalaang Bayan ng San Juan.

Kuwento ni Batangas Provincial Agriculturist, Dr. Rodrigo Bautista, nagsimula ang konsepto ng proyekto noong mapansin niya ang nakaimbak na mga kawayan sa kanilang tanggapan, na alam niyang maaaring mapakinabangan.

Matapos talian, lagyan ng ilang mga plastic drums, ang mga nakatiwangwang na kawayan ay naging isang balsa. Sa pakikipag-ugnayan sa mga lokal na opisyal ng San Juan, pinalutang ang nasabing balsa sa Bambang River sa Barangay Pinagbayanan upang magsilbing pakapitan ng mga talaba.

Bunsod nga ng nakitang malaking potensyal sa naunang balsa, isinulong ng OPAg ang pagpapaganap ng mas malaking oyster farming project, na sang-ayon din sa hangarin ni Governor DoDo Mandanas na iangat pa ang antas ng agrikultura sa lalawigan.

Binigyang-diin pa ni Dr. Bautista na nakikita niyang sa loob ng susunod na mga taon ay makikilala rin ang San Juan bilang isa sa mga pangunahing mapagkukunan ng slipper oyster.

Sa mensahe naman ni 4th District Board Member Jess De Veyra, na siya ring Chairperson ng Committee on Agriculture ng Sangguniang Panlalawigan, nakahanda umano ang pamahalaang panlalawigan na tumugon sa pangangailangan ng mga kababayan lalo’t higit sa larangan ng pagpapaunlad ng agrikultura ng Batangas. Magbibigay rin umano siya ng isang karagdagang malaking balsa bilang kabahagi niya sa hangaring pagtatagumpay ng proyekto.

Ayon kay G. Jimmy Dimayuga, pangulo ng Samahan ng mga Magtatalaba, akma ang kalidad ng tubig sa ilog ng kanilang barangay para sa produksyon ng masarap na variety ng talaba. Sa katunayan aniya, isang malaking kumpanya na gumagawa ng oyster sauce ang nakipag-ugnayan na sa kanila, at handang bilihin ang lahat ng maaani nilang talaba. Ayon daw sa pagawaan ng oyster sauce, ang naaaning talaba sa kanilang lugar ang may pinakamataas ang kalidad kumpara sa mga talabang nakukuha sa ibang lugar sa lalawigan.

Nagpapasalamat din sila sa OPAg sa patuloy pag-alalay sa kanila sa mga aspetong teknikal, kabilang ang monitoring hanggang sa marketing ng kanilang produkto.
Dumalo rin at nagkakaisang sinuportahan ang nasabing aktibidad nina San Juan Mayor Ildebrando Salud, Municipal Agriculturist Felix Leopango, at mga konsehal at department heads ng nasabing bayan.

Jun Magnaye, Batangas PIO Capitol / Photos: Macven Ocampo

Like
Like Love Haha Wow Sad Angry

Comments are closed.