Programa, Tulong sa mga Batangueño OFWs, Patuloy na Tinututukan ng Pamahalaang Panlalawigan

Deworming Program, Tuloy-tuloy na Tinututukan ng Batangas PHO
August 3, 2023
Batangas Provincial PWD President Nelson Adante Nahalal bilang Treasurer ng CALABARZON Federation
August 3, 2023

August 3, 2023

Muling naging daan ang B’yaheng Kapitolyo, ang opisyal na programang pangradyo ng Pamahalaang Panlalawigan ng Batangas, upang mailahad ng Provincial Social Welfare and Development Office (PSWDO) ang mga programa at proyekto nito na tumutugon sa mga pangangailangan ng mga Batangueño Overseas Filipino Workers (OFWs).

Sa naging panayam noong ika-27 ng Hulyo 2023 kina Ms. Gemma Quitain, Public Services Officer II, at Ms. Ariane Joy P. Añonuevo, Social Welfare Worker I, pawang nagsilbing kinatawan ni PSWDO department head, Gng. Florita Lachica, ipinabatid nila sa publiko na nanatiling aktibo ang kanilang tanggapan sa pagtutok sa mga kalagayan ng mga OFWs sa lalawigan. Ayon sa kanila, nararapat lamang umano na mabigyan ng pansin ang mga magigiting na OFWs ng probinsya, lalo pa at pumapangalawa ang Batangas sa buong CALABARZON Region na may maraming nangingibang bansa.

Dahil maraming OFW sa lalawigan, ang PSWDO, sa pamamagitan ng Batangas Migrants Center, ay bumuo ng isang organisasyon na kinilala bilang Province of Batangas OFW Association o PBOA. Ito ay kinabibilangan ng mga OFW leaders sa iba’t ibang bayan at lungsod sa lalawigan.

Dagdag pa ng dalawang kawani, ang kanilang tanggapan ay may tatlong major programs para sa mga OFWs. Una ay ang information, education and networking services, kung saan nakapaloob ang pagdaraos ng Migrants’ Day celebration, alinsunod sa Provincial Ordinance 002 of 2012, tuwing ikatlong linggo ng Disyembre. Ito ay nagbibigay-daan upang kilalanin at parangalan ang hirap, sakripisyo, at kontribusyon sa economic development ng mga OFWs.

Ikalawang programa ay ang psycho-social services na sumasaklaw sa paghahatid ng financial assistance tulad ng tulong pinansyal para sa mga distressed OFWs o repatriation program, na sineserbisyuhan ang mga napauwi, minaltrato, at naging biktima ng human trafficking; medical care para sa mga sumasailalim sa dialysis, chemotherapy, at ibang medical procedures; at burial assistance.

Ikatlong programa ng kanilang tanggapan ay ang economic savings, investment, and migration program na kinatatampukan ng mga financial literacy projects at mga pagsasanay tulad ng pre-migration orientation seminar, na ibinibigay sa mga nagnanais o nagbabalak mag-abroad.

Meron din anila silang referral program para sa mga naiwang pamilya ng OFWs, kung saan maaaring mai-refer ang pamilya para sa isang livelihood program na ipagkakaloob ng Provincial Cooperative, Livelihood and Enterprise Development Office (PCLEDO), sa pangunguna ni PCLEDO department head, Gng. Celia Atienza.

Sang-ayon din sa adhikain ni Governor DoDo Mandanas na mapalawig ang tulong sa iba’t ibang sektor ng lipunan, kabilang ang mga OFWs, hindi rin nahinto ang pagbibigay ng suporta sa mga ito kahit noong kasagsagan ng epekto ng pandemyang dulot ng COVID-19. Namahagi ang PSWDO ng financial aid at ayuda na grocery packs.

Samantala, matagumpay naman nilang inilunsad ang “Orientation for Husbands Left Behind by OFW Wives” noong ika-28 ng Hulyo na dinaluhan ng may humigit-kumulang 80 participants. Ang nasabing isang araw na pagtitipon ay tumugon sa dumaraming kababaihan na umaalis ng bansa para magtrabaho. Katuwang ang PCLEDO, nabigyan ng maayos na orientasyon ang mga asawang lalaki kung ano ang mga dapat nilang gawin upang maging mga epektibong magulang sa kabila ng pag-alis o pangingibang bansa ng kanilang mga asawa.

Mark Jonathan M. Macaraig – Batangas Capitol PIO

Like
Like Love Haha Wow Sad Angry
2

Comments are closed.