Deworming Program, Tuloy-tuloy na Tinututukan ng Batangas PHO

Management Skills Development Program para sa mga Cooperative Manager, Inihatid ng PCLEDO
August 3, 2023
Programa, Tulong sa mga Batangueño OFWs, Patuloy na Tinututukan ng Pamahalaang Panlalawigan
August 3, 2023

August 3, 2023

Bukod sa pagdiriwang ng National Nutrition Month, inoobserbahan din sa Buwan ng Hulyo ang National Deworming Month.

Kaugnay rito, ang Pamahalaang Panlalawigan ng Batangas, sa pamamagitan ng B’yaheng Kapitolyo, ang opisyal na programang pangradyo ng Kapitolyo, katuwang ang Provincial Health Office (PHO), ay nakiisa sa layunin na maitaas pa ang kamalayan patungkol sa pagpurga o deworming.

Sa naging panayam kay Ms. Carlota Abratigue, Nutritionist-Dietitian II, na nagsilbing kinatawan ni PHO department head, Dr. Rosvilinda Ozaeta, noong ika-28 ng Hulyo 2023, ipinabatid niya na aktibo ang kanilang tanggapan sa pagpapatupad ng mga programang may kinalaman sa deworming, partikular ang Integrated Helminth Control Program o IHCP.

Ayon kay Ms. Abratigue, ang programang ito ay isang preventive measure para maiwasan ang pagkakaroon ng bulate o parasitic worm infection, at, nang sa gayon, maging epektibo ang mga feeding programs na isinasagawa. Ito rin aniya ay isang curative measure para sa mga indibidwal na kasalukuyang may bulate na sa tiyan.

Ipinaalala rin ng Nutritionist-Dietitian na ang National Deworming Month ay isinasagawa dalawang beses sa isang taon o kada anim na buwan. Para sa komunidad, magsisimula ito sa buwan ng Enero at magpapatuloy muli sa buwan ng Hulyo para sa ikalawang bahagi. Para naman sa mga eskwelahan o school-based deworming activity sa mga mag-aaral, nagsisimula aniya ito tuwing buwan ng Marso at ipinagpapatuloy sa buwan ng Setyembre.

“Kahit sino, kahit anong edad pwedeng maapektuhan at p’wedeng magkabulate, pero priority natin sa programa ng deworming ang mga batang may edad 1-19 taong gulang to protect their growing stage or development, at mga buntis to protect the developing child at health mismong ng ina,” dagdag ni Ms. Abratigue.

Hindi na rin aniya kailangan maghintay ng sintomas. May bulate man o wala, pinapayuhan na sumailalim sa programang ito. Malaki umano ang maaaring maging epekto kung magkakaroon ng bulate o parasitiko sa tiyan, tulad ng pagbagal ng paglaki at pag-unlad ng kaisipan ng mga bata, pamumutla o anemia, pananamlay, at pagkamatay.

Ayon pa sa naging panayam, pangunahing sanhi aniya ng transmission o pagkakaroon ng bulate sa tiyan ay ang maduming kapaligiran, hindi paglilinis ng katawan o poor personal hygiene, open defecation, at hindi pagsusuot ng tsinelas kapag naglalakad sa lupa.

Inilahad din ni Ms. Abratigue na tinututukan nila ang pagsasagawa ng programa hanggang barangay level. “Para po sa malalayo, talagang pinupuntahan ng ating health workers para lang mabigyan sila, kaya nga po talagang ‘reaching every barangay’.”

Binigyang-diin naman niya na ang mga ibinibigay na deworming tablet ay epektibo at nakatitiyak umano na ligtas. Dumadaan din muna sa assessment ng isang nurse o midwife ang isang indibidwal bago bigyan ng gamot, dahil aniya, ang deworming drugs ay isang prescription drugs.

Ilan naman sa mga gabay na kaniyang ibinahagi para makaiwas sa parasitic worm infection o pagkakaroon ng intestinal worms ay ang pag-inom ng pampurga, paghuhugas ng kamay pagkatapos gumamit ng palikuran o banyo, pagsiguro na malinis ang inuming tubig, paghuhugas nang mabuti sa mga pagkain, tulad ng prutas at gulay, at pagluluto nang maayos sa mga pagkain.

Ang Integrated Helminth Control Program ay isa lamang sa maraming mga inisyatibong pangkalusugan na tinututukan ng pamahalaang panlalawigan, sang-ayon sa mandato ni Governor DoDo Mandanas, patungo sa isang Malusog na Lalawigan ng Batangas at pakikiisa sa adhikain ng bansa para sa isang Healthy Pilipinas.

Mark Jonathan M. Macaraig/ Photo : Shelly Umali – Batangas Capitol PIO

Like
Like Love Haha Wow Sad Angry

Comments are closed.