August 28, 2022
Ipinamalas ng Pamahalaang Panlalawigan ng Batangas ang pakikiisa nito sa pagdiriwang ng Buwan ng Wika at Nasyunalismo ngayong buwan ng Agosto, sa pamamagitan ng Panlalawigang Tanggapan ng Turismo at Ugnayang Pangkultura (PTCAO), sa pagsasagawa ng Palihan sa Pag-awit ng Kundiman noong ika-11 ng Agosto 2022 sa gusali ng PTCAO, Capitol Compound, Lungsod ng Batangas.
Ang naturang workshop, na isinagawa ng Sangguniang Pangkultura at Sining na pinangungunhan ni Dr. Edward Babasa, ay nilahukan ng 32 na mga mang-aawit at coaches mula sa iba’t ibang lokal na pamahalaan at eskwelahan sa lalawigan.
Ang aktibidad ay isang pamamaraan upang pasiglahin at buhayin ang sining ng mga natatanging pagkakakilanlang Batangueño, higit ang pagkakaroon ng pagpapahalaga at pagsusulong ng kaalaman at kahusayan sa pag-awit ng Kundiman.
Nagsilbing keynote speaker si G. Nazer D. Salcedo, isang artista at direktor sa entablado at teatro, at nakahanay sa mga kilalang mang-aawit ng Opera at Kundiman sa buong Pilipinas.
Inaasahang malaki ang maitutulong ng isinagawang workshop upang patibayin ang pagpapahalaga at pag-unawa sa mga natatanging sining at kulturang Batangueño na unti-unti nang nalilimot sa panahon ngayon.
Patuloy naman ang pagsusulong, paglinang at pagpapalawig ng PTCAO, sa pangunguna ni Governor Dodo Mandanas, na tumatayong puno ng tanggapan sa ngayon, ng kaalaman sa larangan ng sining at kultura sa lalawigan, sa kabila ng pandemya, habang ipinatutupad ang mga itinakdang mga panuntunang pangkalusugan.
Janssen Olimba / Photos–Macven Ocampo Batangas Capitol PIO