August 27, 2022
Hindi naging hadlang ang pananatili ng mga kabataang nasa loob ng Bahay Pag-asa na maabot ang kanilang minimithing pangarap na makapagtapos ng pag-aral.
Sa isinagawang kauna-unahang Graduation Ceremony na may Temang “Gradweyt ng K to 12: Masigasig sa mga pangarap at matatag sa mga pagsubok,” na pinangasiwaan ng Provincial Social Welfare and Development Office (PSWDO), noong ika-9 ng Agosto 2022 sa Bahay Pag-Asa, Lungsod ng Batangas, tinanggap ng 15 na nagsipagtapos ang katibayan na nakumpleto nila ang Elementarya at Junior High School, sa ilalim ng programang Alternative Learning system (ALS) ng Department of Education.
Ang Bahay Pag-asa ay isang institusyong itinayo sa pamamagitan ng Juvenile Justice and Welfare Act upang mangalaga sa mga kabataan na tinaguriang “children in conflict with the law (CICL)” o mga kabataang akusado o napatunayang gumawa ng krimen sa ilalim ng mga batas ng Pilipinas at naghihintay ng desisyon ng korte. Ang institusyon sa Lungsod ng Batangas ay pinangangasiwaan ng Pamahalaang Panlalawigan ng Batangas, sa pamamagitan ng PSWDO.
Sa mensahe ni Gov. DoDo Mandanas, sinabi niyang patuloy na binibigyang-pansin ng kanyang administrasyon ang kalagayan ng mga kabataan sa loob ng Bahay Pag-Asa. Ang pamahalaang panlalawigan aniya ay nakasuporta sa lahat ng aktibidad ng PSWDO na makakapagbigay ng maayos na serbisyo upang maraming pang kabataan ang matulungan na makabangon sa iba’t-ibang suliraning kinakaharap nila.
Wika nga ng gobernador, “Ang inyong pagpupunyagi sa tulong ng DepEd at ALS ay isang patotoo na kayo ay humahakbang na sa tamang landas.”
“There’s no success without hardship.” Kabilang ito sa mga linyang binitawan ng isa sa mga natatanging ALS Program Completers. Dagdag pa nito, ang mapabilang sa mga nagsipagtapos ay isang malaking pribilehiyo na magsisilbing bagong pag-asa para sa kanilang paglabas sa nasabing institusyon, dala ang tagumpay at magandang kinabukasan na naghihintay.
Dumalo sa seremonya ng pagtatapos sina PSWDO head Jocelyn R. Montalbo, mga opisyal ng DepEd Batangas Province, mga magulang at mga kawani ng Kapitolyo.
JunJun De Chavez / Photo: JunJun De Chavez – Batangas Capitol PIO