Mga Aktibidad ng 2023 Linggo ng Kabataan, Inilatag ng Batangas PACD

Mga Bagong Batangueña Officers ng Lady Local Legislators’ League, Nanumpa Na
July 7, 2023
Unang Harvest Day ng Maliputo Project ng Kapitolyo, Bayan ng San Luis Matagumpay
July 7, 2023

July 7, 2023

Bagaman at kasisimula pa lamang ng Buwan ng Hulyo, handa at kasado na ang Pamahalaang Panlalawigan ng Batangas, sa pangunguna ng Provincial Assistance for Community Development (PACD), kasama ang Sangguniang Kabataan (SK) Provincial Federation para sa selebrasyon ng Linggo ng Kabataan sa darating na Buwan ng Agosto ngayong taong 2023.

Itatampok sa pagdiriwang ang iba’t ibang aktibidad na sesentro sa aspeto ng pangangalaga sa kalikasan, pagpapamalas ng talento, pagpapakita ng husay sa paglilingkod sa kapwa at bayan, at iba pang mga serbisyong sumasaklaw pagdating sa community development, na sang-ayon sa pagnanais ni Governor DoDo Mandanas na patuloy na mabigyang kahalagahan ang bawat isang kabataan sa lalawigan.

Sa naging panayam noong ika-6 ng Hulyo 2023 ng B’yaheng Kapitolyo, ang official Radio Program ng Pamahalaang Panlalawigan ng Batangas, kay PACD Youth and Sports Division Chief Arthur Caguitla, na siyang nagsilbing kinatawan ni PACD Department Head Fredesvinda Mendoza, ibinahagi niya na ang pagdaraos ng Linggo ng Kabataan ay alinsunod sa isinasaad ng Republic Act No. 10742 o Sangguniang Kabataan Reform Act of 2015.

Ayon sa naturang batas, ang bawat barangay, munisipalidad, lungsod, at lalawigan ay may mandatong magsagawa ng taunang aktibidad na tatawaging Linggo ng Kabataan. Ito ay idaraos sa linggo kung saan halos sumasabay rin sa selebrasyon ng International Youth Day sa ika-12 ng Agosto.

Sa ibinahagi ni Caguitla at sa pakikipag-ugnayan ng PACD sa tanggapan ni SK Provincial Federation President, Board Member Maria Louise Vale, napagkasunduan na ilunsad ito sa probinsya ngayong taon sa ika-14 hanggang ika-18 ng Agosto.

Tampok na aktibidad sa unang araw ay ang presentasyon ng Little Officials o ang mga napiling kabataang counterpart officials na magsisilbing mga opisyal ng pamahalaan, na mabibigyan ng pagkakataon upang makibahagi kung paano ang isang programa o proyekto, maging ang mga ordinansa at resolusyon, ay masusing pinag-aaralan at binubuo para sa higit at mas malawak na kapakinabangan.

Bukod dito, magiging parte rin ng Day 1 ng selebrasyon ang deliberation para sa ilang mga pagpaparangal, tulad na lamang ng SK Magiting o Best SK Federation Office, Search for Best LYDO o Local Youth Development Office, at Search for Best Youth Organization. Ang mga ito ay may layunin na kilalalin ang mga programa at proyekto ng bawat SK offices sa probinsya na nagbibigay ng malaking papel para sa kaunlaran ng mga kabataan sa mga komunidad.

Kabilang naman sa Day 2 ang paghahatid ng One-Stop Shop, na maglalapit sa publiko ng mga serbisyong inihahatid ng ilang mga government agencies, tulad ng Social Security System (SSS), Bureau of Internal Revenue (BIR), Professional Regulation Commission (PRC), Philippine Statistics Authority (PSA), Pag-IBIG, at Department of Foreign Affairs (DFA). Highlight naman ng second day ang pagsasagawa ng Bloodletting activity, na hihikayat sa mga kabataan sa kahalagahan ng boluntaryong pagbibigay ng dugo, bilang suporta na rin sa pagkakaroon ng sapat na suplay ng dugo at iba quality assured blood products sa lalawigan.

Dalawang aktibidad naman ang inilaan para sa ikatlong araw, kabilang dito ang isang seminar patungkol sa mental health at sexual awareness, at pagdaraos ng Battle of the Youth Bands. Bahagi pa rin na programa sa selebrasyon ng Linggo ng Kabataan ngayong taon ang muling pagsasagawa ng Tree Planting and Clean-up Drive.

Gaganapin naman sa ika-limang araw ang culiminating activity, na kabibilangan ng awarding ceremony para sa mga nabanggit na pagpaparangal at Sangguniang Kabataan Night, na inisyatibo ni Board Member Vale, na kikilala sa mga dating naging Sangguniang Kabataan officials na ngayon ay mga aktibong kawani na ng gobyerno at mga ganap nang opisyal ng kani-kanilang mga bayan at lungsod na kinabibilangan.

Umaasa naman ang PACD, na sa pamamagitan ng mga programang ito, ay patuloy na maisusulong ang interes ng at pagbibigay-halaga sa mga kabataan. Magandang pagkakataon din umano ito, lalo’t higit na nalalapit na ang Barangay and Sangguniang Kabataan elections sa Oktubre, para maipabatid at maipamulat sa mga nagnanais maglingkod ang kahalagahan ng pagganap sa tungkulin ng may kahusayan at katapatan.

Mark Jonathan M. Macaraig – Batangas Capitol PIO

Like
Like Love Haha Wow Sad Angry

Comments are closed.