Mga Bagong Batangueña Officers ng Lady Local Legislators’ League, Nanumpa Na

Notice of Vacant Positions
July 6, 2023
Mga Aktibidad ng 2023 Linggo ng Kabataan, Inilatag ng Batangas PACD
July 7, 2023

July 7, 2023

Muling nahalal bilang Pangulo ng Lady Local Legislators’ League of the Philippines, Inc. (Four-L) – Batangas ALA EH Chapter si 2nd District Board Member Arlina Magboo matapos ang isinagawang eleksyon o paghirang sa mga bagong opisyal ng naturang samahan noong ika-5 ng Hulyo 2023, sa Salvador H. Laurel Session Hall, Apolinario M. Mabini Legislative Building, Capitol Site, Batangas City.

Samantala, napili namang Four-L Vice President si 5th District Senior Board Member Claudette Ambida.

Ang buong proseso ng nasabing eleksyon ay pinangasiwaan ng Department of the Interior and Local Government (DILG) – Batangas. Matapos ang naging halalan, agad din itong nasundan ng pormal na panunumpa sa katungkulan, na pinangunahan ni DILG Batangas Provincial Director Abigail Andres na tumayong Administering Officer.

Kabilang sa bubuo ng lokal na sangay ng all-women organization sa Lalawigan ng Batangas sina Lemery Vice Mayor Geraldine Ornales na bilang Secretary, Nasugbu Vice Mayor Mildred Sanchez bilang Treasurer, San Jose Municipal Councilor Armida De Roxas bilang Auditor, at Mataas na Kahoy Municipal Councilor Merlyn Laqui bilang Public Relations Officer.

Nahirang din bilang mga miyembro ng Board of Directors na kakatawan sa anim na distrito ng probinsya sina Taal Councilor Marizen Mercado at Lemery Councilor Hannah Beatriz Cabral para sa 1st District; Tingloy Councilor Mikee Alvarez at San Pascual Councilor Hazzel Bulanhagui para sa 2nd District; Tanauan City Councilor Czylene Marqueses at Mataas na Kahoy Councilor Karen Joy Laqui para sa 3rd District; Padre Garcia Councilor Mona Liza Rivera-Gutierrez at San Juan Councilor Rowena Magadia para sa 4th District; Batangas City Vice Mayor Alyssa Renee Cruz at Councilor Andrea Macaraig para sa 5th District; at Lipa City Councilors Jennifer Spye Toledo at Riofer Nicole Ronquillo para sa 6th District.

Para naman kay Batangas Governor DoDo Mandanas, una na siyang nagpahayag ng kaniyang pagsaludo sa mga babaeng mambabatas ng probinsya. Lubos aniya ang kaniyang paghanga sa mga ito na patuloy na nagtataas at nagpapalakas ng representasyon ng kababaihan sa pamamagitan ng kanilang talino, husay, at maaasahang serbisyo publiko, na tunay na nagbibigay ng malaking kontribusyon sa kani-kanilang mga komunidad na kinabibilangan.

Ang Lady Local Legislators’ League of the Philippines, Inc. ay isang samahan ng mga local elective officials o women legislators na kinikilala ng DILG, at bahagi ng Union of Local Authorities of the Philippines (ULAP) na isang umbrella organization ng lahat ng mga liga ng mga lokal na pamahalaan at locally elected government officials sa bansa.

Matatandaan na naitatag noong Marso taong 2021 ang Four-L sa Batangas, kung saan nahalal bilang unang Pangulo nito si Board Member Magboo.

Layunin ng Four-L na bumuo ng pagkakaibigan at pagkakaisa sa bawat isang babaeng mambabatas. Nilalayon din ng organisasyon na pagtibayin ang pagbibigay-halaga sa kababaihang lingkod-bayan na nagsusulong ng mga kapaki-pakinabang na mga proyekto at programa sa mga komunidad, at mga makabuluhang batas na sumasaklaw, hindi lamang sa aspeto ng women empowerment, kung hindi pati na rin sa hanay at kapakanan ng bawat pamilya, kabataan, at maging marginalized sectors.

Mark Jonathan M. Macaraig – Batangas Capitol PIO

Like
Like Love Haha Wow Sad Angry

Comments are closed.