COMELEC- Batangas, Tuloy-tuloy ang Paghahanda sa May 2018 Election

Men Opposed to Violence Everywhere (MOVE)
March 23, 2018
Provincial Agriculture Office’s Good Agricultural Practices on Vegetable Production, Isasagawa
April 3, 2018

April 2, 2018

Patuloy ang paghahanda ng Commission on Election (COMELEC) Batangas sa darating na Barangay at SK Election sa pangunguna ni Atty. Gloria Ramos-Petallo, Provincial Election Supervisor, upang masiguro na matiwasay at matagumpay ang resulta ng halalan sa ika-14 ng Mayo 2018.

Ayon kay Atty. Petallo, nasa 60 porsiyento na silang handa at patuloy ang pakikipag-ugnayan ng kanilang tanggapan sa Department of Education (DepEd) para sa mga magiging miyembro ng electoral board na silang aakto sa darating na eleksyon. Aniya, nakapagbuo na sila nito ngunit mayroon pa ring mga inaayos sapagkat ang iba sa mga miyembro ay mula sa non-DepEd schools. Ito ay mga academic institutions na hindi direktang sakop o pinamamahalaan ng DepEd, tulad ng pribadong paaralan; State Universities and Colleges (SUC); at Local Universities and Colleges (LUC) at iba pa.

Dagdag pa niya, nakikipag-ugnayan din sila sa Philippine National Police (PNP) upang masiguro ang ligtas at payapang eleksyon. Magsisimula ang election period sa darating na ika-14 ng Abril kasabay ng pagsisimula ng filing ng Certificate of Candidacy (COC) ng mga nangnanais tumakbo para sa Barangay at SK Officials.

Sinabi rin ng Batangas Provincial Election Supervisor, na ang mga gustong kumandidato para sa SK ay kinakailangang nasa edad 18-24, at dapat din ay hindi sila kamag-anak (up to 2nd degree) ng incumbent elected officials mapa-nasyunal, provincial, city/municipal at lalo’t higit sa barangay.

Samantala, sa ilalim naman ng Comelec Resolution No. 10246, ipinagbabawal ang pagdadala ng baril at ano pa mang mapanganib na armas mula sa simula ng election period hanggang ika-21 ng Mayo 2018. Ang mga pinapayagan lamang na magdala ng baril ay ang mga kabilang sa law enforcement agencies tulad ng PNP, AFP at NBI.

Sa Lalawigan ng Batangas, tinatayang nasa 1.6 milyon na ang mga regular na botante samantalang mahigit 500 libo naman sa SK kung saan pinakamadami ang mga botante na nagmula sa Lungsod ng Batangas.

Sa mensahe ni Atty. Petallo, pinapaalalahanan niya ang mga tatakbo na pitong araw lamang ang filing ng COC at bukas ang kanilang tanggapan maging sa araw ng Linggo para sa mga gustong magpasa mula ika-14 hanggang ika-20 ng Abril. Sinabi rin niya na maging matalino sa pagpili ng ihahalal na opisyal na makapaglilingkod ng tapat at mahusay sa mamamayang Batangueño. Kimzel Joy T. Delen at Almira M. Eje – Batangas Capitol PIO

Like
Like Love Haha Wow Sad Angry

Comments are closed.