Bokal Corona, Nagbahagi ng mga Tungkulin, Highlights bilang Kinatawan ng 3rd District

Bidang Batangueño ng Balayan, Cycling Gold Medalist
July 14, 2023
1.5 Tonelada ng Talaba, Ani sa Proyekto ng Kapitolyo sa San Juan
July 15, 2023

July 14, 2023

Katiyakan sa pagpapaganap ng iba’t ibang mga programa, proyekto, at legislative measures ang binigyang-diin ni Sangguniang Panlalawigan (SP) ng Batangas 3rd District Board Member Alfredo Corona sa kaniyang naging panayam sa B’yaheng Kapitolyo, ang opisyal na programang pangradyo ng Pamahalaang Panlalawigan ng Batangas, noong ika-11 ng Hulyo 2023.

Si Bokal Corona, na nahalal noong 2022 para sa panibagong termino ng kaniyang panunungkulan bilang kinatawan ng ikatlong distrito ng lalawigan, ang kasalukuyang tumatayong SP Chairperson ng Accreditation at Peace and Order Committees.

Sa pangunguna ng bokal, tuloy-tuloy ang papaggagawad ng lehislatibong sangay ng pamahalaan ng mga sertipiko ng akreditasyon sa ilang non-government at civil society organizations sa lalawigan.

Layunin ng Committee on Accreditation na mabigyan ng representasyon ang hanay ng pribadong sektor, sang-ayon sa Local Government Code of 1991 at Department of the Interior and Local Government Memorandum Circular No. 2019-72, sa pakikibahagi sa pagbuo ng mga polisiya at programa ng mga itinatag na local special bodies ng probinsya, kabilang ang Provincial School Board at Local Health Board.

Ayon din sa mambabatas, bilang tagapangulo ng Peace and Order Committee, kaniyang tinitiyak na may kaukulang pondo na nakalaaan para sa mga programang pangkaayusan at pangkaligtasan ng probinsya.

“Napakahalaga ng peace and order situation sa lalawigan…isa [tayo] sa mga nangungunang lalawigan [sa bansa], maraming investors, maraming itinatayong companies, maraming industrial sites, so kailangan masiguro na maayos ang kalagayan ng katahimikan at kaayusan ng ating lalawigan,” pagpupunto ni Bokal Corona.

Itinuturing naman niyang highlight ng kaniyang pagiging public servant ang patuloy na pagsusumikap, kasama ang iba pang mga board members, na maging mas matibay at nagkakaisa ang samahan ng executive at legislative departments.

Malaki ang naging pasasalamat niya kay Governor DoDo Mandanas dahil sa tulong aniya ng gobernador, maraming mga programa ang naipapaganap at napapalawig nilang mga bokal para sa kapakinabangan ng mas nakararaming mamamayan. Isa na aniya rito ang pagbibigay ng tulong pang-edukasyon sa mga kabataan at mga financial assistance pagdating sa social needs and services.

Patuloy naman ang kaniyang pagbibigay-suporta sa mga manlalaro at atletang Batangueño, partikular sa mga kababayan niya sa Lungsod ng Tanauan, kung saan naglingkod din siyang bilang mayor, na tunay aniyang ipinagmamalaki hindi lamang sa lalawigan, kung hindi pati na rin sa labas ng bansa.

Mark Jonathan M. Macaraig – Batangas Capitol PIO

Like
Like Love Haha Wow Sad Angry

Comments are closed.