1.5 Tonelada ng Talaba, Ani sa Proyekto ng Kapitolyo sa San Juan

Bokal Corona, Nagbahagi ng mga Tungkulin, Highlights bilang Kinatawan ng 3rd District
July 14, 2023
PGENRO Environmental Lab, Pasado sa PNP Audit-Inspection sa Paggamit ng mga Kemikal, Explosives Reagents
July 15, 2023

July 15, 2023

Naging matagumpay ang isinagawang Talaba Culture Project Harvest day noong ika-13ng Hulyo 2023 sa Bambang River, Barangay Pinagbayanan, San Juan, Batangas.

Ang pagpaparami ng talaba ay proyekto ng Pamahalaang Panlalawigan ng Batangas, sa pangunguna ng Office of the Provincial Agriculturist (OPAg), katuwang ang Pamahalaang Bayan ng San Juan at ASIN, Inc.

Tinatayang aabot sa isa’t kalahating tonelada ng talaba ang nakatakdang maani ng Samahan ng Magtatalaba ng Barangay Pinagbayanan, na benepisyaryo ng proyektong ito.

Tatlong beses itong mas marami sa naaning talaba noong Mayo 2022, na umabot sa 480 kilo at gamit ang isang balsa.

Ang Talaba Culture project ay inilunsad ng OPAg noong 2021. Ayon kay Batangas Provincial Agriculturist, Dr. Rodrigo Bautista, nagmula ang konsepto ng proyekto noong mapansin niya ang nakaimbak na mga kawayan sa kanilang tanggapan, na alam niyang maaaring mapakinabangan.

Matapos talian, lagyan ng ilang mga plastic drums, ang mga nakatiwangwang na kawayan ay naging isang balsa. Sa pakikipag-ugnayan sa mga lokal na opisyal ng San Juan, pinalutang ang nasabing balsa sa Bambang River sa Barangay Pinagbayanan upang magsilbing pakapitan ng mga talaba.

Buong pagmamalaking ibinahagi ni Ginoong Jimmy Dimayuga, pangulo ng samahan ng mga magtatalaba, mula sa unang isang balsa noong 2021, 8 balsa na ang pakapitan ng talaba sa kasalukuyan.

Dumalo rin sa pag-aani sina 4th District Board Member Jesus De Veyra, Municipal Agriculturist Felix Leopango, mga konsehal ng Bayan ng San Juan, at mga kinatawan ng Bureau of Fisheries and Aquatic Resources – Batangas at opisyal ng pamahalaang bayan.

Pinapurihan din ng may-ari ng isang kompanyang gumagawa ng oyster sauce ang naturang proyekto dahil, bukod sa tulong nito sa kabuhayan o pagkakakitaan ng mga miyembro ng samahan, may malaking ambag din ito sa kagalingan ng kalikasan.

Patuloy naman ang pag-alalay ng OPAg sa nasabing samahan sa pamamagitan ng technical assistance, pagsasagawa ng mga pagsasanay sa mga miyembro, at pagtulong sa marketing sa pamamagitan ng Community Food Market na regular na ginaganap sa Kapitolyo sa Lungsod ng Batangas.

Ayon nga kay Graciery Bonifacio, na isa sa 25 na miyembro ng Samahan ng Magtatalaba, lubos ang kanilang pasasalamat sa oyster culture project ng Kapitolyo, partikular kay Gov. DoDo Mandanas at sa buong tanggapan ng OPAg.

Jun Magnaye, Batangas PIO Capitol
Photos: Office of the Provincial Agriculturist

Like
Like Love Haha Wow Sad Angry

Comments are closed.