Bivalent COVID-19 Vaccination sa Batangas, Ipinagpatuloy

PGENRO Environmental Lab, Pasado sa PNP Audit-Inspection sa Paggamit ng mga Kemikal, Explosives Reagents
July 15, 2023
2023 Huwarang Pantawid Pamilya sa Batangas Province, Kinilala ng Kapitolyo
July 15, 2023

July 15, 2023

Dagdag na proteksyon sa pagganap ng tungkulin para sa mga health workers ang hatid ng ikatlong booster shot gamit ang Bivalent COVID-19 vaccines, matapos ipagpatuloy ang isinasagawang pagbabakuna nito noong ika-13 ng Hulyo 2023 sa Batangas Provincial Hospital sa Bayan ng Lemery, Batangas.

Sa nasabing bakunahan, na pinangunahan ng Provincial Health Office (PHO), may 60 frontline medical workers at personnel mula sa naturang ospital ng Pamahalaang Panlalawigan ng Batangas ang naturukan ng bivalent vaccines.

Sa paliwanag ni Dr. Jose Jesse Villanueva, chief ng Batangas Provincial Hospital, at isa sa mga binakunahan, mahalaga ang pagpapabakuna ng bivalent vaccine dahil mas mataas ang proteksyon na naibibigay nito laban sa unang strain ng COVID-19 lalo’t higit sa mas nakakahawang Omicron variant at mga subvariants nito.

Sa patuloy na banta ng iba’t ibang variants ng COVID-19 at dalang panganib nito sa mga health workers, minarapat din ni Racque Alvaira, isang nurse, na magpabakuna para sa dagdag proteksyon, hindi lamang para sa kaniyang sarili kung hindi pati na rin sa kaniyang pamilya at kapwa.

Ayon naman kay Medical Officer IV, Dr. Rodesia Albufera, tiniyak ng buong pamunuan ng Batangas Provincial Hospital ang maayos at sistematikong proseso ng pagbabakuna, kung saan nasusunod pa rin ang health and safety protocols.

Nagkakaisa namang nagpasalamat ang mga health workers ng ospital para sa inisyatibong ito ng pamahalaang panlalawigan, na nagpapakita rin ng tunay at sama-samang pagsuporta sa pamahalaang nasyunal sa pagpapaigting ng kampanya sa pagbabakuna laban sa COVID-19.

Dahil limitado pa ang suplay ng bivalent vaccine sa Pilipinas, prayoridad munang mabakunahan ang mga indibidwal na kabilang sa categories A1 o health workers at A2 o senior citizens, na nakatanggap na ng pangalawang booster dose apat o anim na buwan ang nakakalipas. Hinikayat naman ni Dr. Villanueva ang iba pang health workers sa lalawigan na eligible nang magpabakuna para sa mas pinalakas na proteksyon sa omicron subvariants.

Sa hangarin ni Governor DoDo Mandanas na magtuloy-tuloy ang vaccination program ng lalawigan, patuloy na makikipag-ugnayan ang Provincial Health Office sa Kagawaran ng Kalusugan para sa pagkakaroon ng karagdagan pang suplay ng bakuna.

Samantala, bago ang ginanap na bakunahan sa Batangas Provincial Hospital, nauna nang nagsagawa ng bivalent COVID-19 vaccination ang Lipa City District Hospital at Don Manuel Lopez Memorial District Hospital sa Balayan. Nakatakda na rin itong ipamahagi sa mga health workers ng iba pang ospital na nasa ilalim ng pangangasiwa ng pamahalaang panlalawigan.

Mark Jonathan M. Macaraig /Photos: Macven Ocampo – Batangas Capitol PIO

Like
Like Love Haha Wow Sad Angry

Comments are closed.