Batangas Capitol Ipinagdiwang ang World Rabies Day 2022

1st Seniors Hope Expo Ipinagdiwang sa Lalawigan
October 2, 2022
Outstanding Employees ng Kapitolyo, Pinarangalan sa Anibersaryo ng Serbisyo Sibil
October 3, 2022

October 2, 2022

Nakiisa ang Pamahalaang Panlalawigan ng Batangas sa World Rabies Day 2022 sa pamamagitan ng mga aktibidad na isinagawa ngayong araw, ika-30 ng Setyembre 2022, sa Regina R. Mandanas Memorial DREAM Zone, Capitol Compound, Lungsod ng Batangas.

Naging highlight ng selebrasyon, na magkatuwang na pinangunahan ng Provincial Veterinary Office (ProVet) at Provincial Health Office, ang Dog Fun Match, na nilahukan ng maraming Batangueño dog lovers at kinatampukan ng iba’t ibang uri at laki ng mga aso.

Sa kanyang mensahe, binigyang-diin ni Provincial Veterinarian, Dr. Romelito Marasigan, na layunin ng aktibidad na matutunan ang responsableng pag-aalaga sa mga hayop, partikular sa mga aso at pusa. Hangad din aniya ng Fun Match ang maisulong ang pagkakaroon ng “social camaraderie” para sa lahat ng mga kalahok na pet parents o kilala sa tawag na “hoomans.”

Bukod dito, ipinunto rin ni Dr. Marasigan, sang-ayon sa tema ng pagdiriwang ngayong 2022 na “Rabies: One Health, Zero Deaths,” ang halaga ng pagpapataas ng kamalayan ng bawat mamamayang Batangueño ukol sa negatibong epekto ng rabies virus at kung paano makokontrol ang paglaganap nito.

Nanalo sa Best in Small Breed ang asong si Challa na isang Poodle, Best in Medium Breed si Seven na isang Corgi, Best in Large Breed si Griffin na isang Husky, Best Puppy si Balong na isang American Bully, at Best Aspin o Asong Pinoy si Habhab. Pawang nag-uwi ng ₱5,000 at gift packs ang mga nagwaging kalahok.

Itinampok at pinagkalooban naman ng ₱3,000 cash at gift packs bilang “Darling of the Crowd” ang isang 3-year old Japanese Spitz at Pomeranian mixed-breed na si Haki, na sa kabila ng kaniyang kapansanan ay masayang nakipaglaro at nakisabay sa ibang mga kalahok. Earliest Bird Awardees o pinaka-unang nag-rehistro online at on-site sina Spaghetti at Zimba na kapwa mga Aspin, na nanalo ng ₱2,000 at gift packs.

Samantala, binigyang-pagkilala rin sa pagtitipon ang Bayan ng Malvar, City of Sto. Tomas, at City of Tanauan bilang Best Rabies Program Implementers, kung saan ang criteria ay ang pagkakaroon ng 50% Anti-rabies vaccination coverage, 20% para sa pagsasagawa ng mass Spay & Neuter, 20% establishment & maintenance of animal control facility, at 10% implementation ng World Rabies Day and rabies awareness activities. Ginawaran din ang Tanauan City Health Office bilang Best Performing Animal Bite Treatment Center.

Nakiisa sa aktibidad sina 4th District Board Member Jess De Veyra, Committee Chairperson on Agriculture ng Sangguniang Panlalawigan, at Provincial Administrator Wilfredo D. Racelis, na naging kinatawan ni Gov. DoDo Mandanas.

Babylyn Coz-Paña / Photos: Macc Venn Ocampo

Like
Like Love Haha Wow Sad Angry

Comments are closed.