Proposed Batangas Provincial Medical Center, Ililipat ng Lokasyon

Gov. Mandanas: Taal na Tulong, Ipaabot Natin sa mga Kababayang Sinalanta ng mga Bagyo
November 21, 2020
Kasalukuyang Estado ng Bulkang Taal Tinalakay ng PHIVOLCS Rep
November 22, 2020

November 22, 2020

Kaugnay ng itatayong Batangas Provincial Medical Center sa Bayan ng Calaca, ibinahagi ni Gov. DoDo Mandanas na planong ilipat ang lokasyon ng nasabing ospital matapos makitaan ng mga bitak ang lupa sa ilang mga barangay na malapit sa kasalukuyang site.

Ito ang ipinahayag ni Governor DoDo Mandanas sa pagpupulong ng Batangas Inter-Agency Task Force against COVID-19 noong ika – 16 ng Nobyembre 2020, na nakatakdang ilipat ang itatayong medical infrastructure sa Bayan ng Tuy, kung saan may alternatibong lupaing pag-aari ang Pamahalaang Panlalawigan ng Batangas.

Matatandaang naglabasan ang malalaki at malalalim na biyak at guho ng lupa o mga sink holes sa kalapit na mga Bayan ng San Nicolas, Lemery at Taal nitong mga nakaraang linggo. Matapos dumaan sa lalawigan ang sunod-sunod na bagyo na nagdala ng malalakas na ulan, na nagdulot ng mga pagbaha at paglambot na lupa, naglabasan ang mga bitak sa mga nasabing bayan.

Ayon pa kay Mandanas, sang-ayon sa isinagawang pag-aaral, mas makabubuting ilipat ng lokasyon ang naturang pasilidad kung saan mas malayo ito sa bulkan, mas mataas ang lokasyon para iwas baha at mas matatatag ang pundasyon.

Sa isang site inspection na isinagawa ng Provincial Disaster Risk Reduction and Management Office (PDRRMO) at Philippine Institute of Volcanology and Seismology (PHIVOLCS), na pinamunuan ni Ginoong Paulo Reniva, Science Research Specialist at kasalukuyang Taal Volcano Observatory Resident Volcanologist, napag-alaman na ang naggaganap na fissuring o mga pagbitak ay kaugnay sa paggalaw ng magma sa ilalim ng lupa noong kasagsagan ng pagputok ng Bulkang Taal noong Enero 2020.

Aniya, nag-iwan ito ng malalaking guwang sa ilalim ng lupa, na tuluyang pinabagsak nang lumambot ito, sanhi ng mataas na volume ng tubig ulan na dala ng mga bagyo.

Pinaalalahanan din ni Ginoong Reniva ang publiko sa mga lugar kung saan may lumabas na mga bitak, na maging mapagmatyag sa kanilang kapaligiran, lumayo ng limang metro sa magkabilang panig sa mga bitak, at iwasan ang pagtatayo ng ano mang istraktura malapit dito.

Ang pagtatayo ng Batangas Provincial Medical Center ay bunsod na rin ng limitadong kakayahan at kapasidad ng Batangas Provincial Hospital sa Bayan ng Lemery, na ayon sa isinagawang pag-aaral ay hindi na umano magagawan ng expansion dahil sa maliit na land area nito.

Ang nakakasang bagong pasilidad ay may proposed 250 beds, at mga kagamitan at laboratoryo na makikita sa isang Level 2 Accredited Medical Facility.

Dagdag pa ng gobernador, kabilang ang nasabing pagawain sa long-term program na tutugon sa lahat ng mga panganagailangang medikal ng mga Batangueño, na hindi lamang nakatutok sa COVID-19 pandemic.

Edwin V. Zabarte – Batangas Capitol PIO

Like
Like Love Haha Wow Sad Angry
3

Comments are closed.