Gov. Mandanas: Taal na Tulong, Ipaabot Natin sa mga Kababayang Sinalanta ng mga Bagyo

Prov’l. Agri: Pinsala ni #UlyssesPH sa Agrikultura sa Lalawigan ng Batangas, Higit ₱15 Milyon
November 21, 2020
Proposed Batangas Provincial Medical Center, Ililipat ng Lokasyon
November 22, 2020

November 21, 2020

“Malaking responsibilidad ng Kapitolyo ang tumulong sa mga lalawigang sinalanta ng kalamidad na dulot ng mga nagdaang bagyo.”

Ito ang naging pahayag ni Governor Hermilando “DoDo” Mandanas sa isinagawang regular Batangas Province Inter-Agency Task Force Against COVID-19 hybrid meeting noong ika-16 ng Nobyembre 2020.

Ayon sa gobernador, naramdaman ng Lalawigan ng Batangas ang pagdamay ng mga Pilipino sa nakaraang pagsabog ng Bulkang Taal at iba pang kalamidad, kaya nararapat lamang umanong ipaabot din ng mga Batangueno ang pagtulong ngayong ibang mga bayan at lalawigan naman ang nangangailangan.

Dagdag pa nito, nakahanda ang kanyang administrasyon sa ano maaaring maitulong, ito man ay pangangailangan sa mga pasilidad, personnel o kagamitan. Nakatanggap na rin umano ang Pamahalaang Panlalawigan ng Batangas ng request na suporta mula sa Office of Civil Defense (OCD) at inatasan na aniya si Provincial Disaster Risk Reduction and Management Office( PDRRMO) department head Joselito Castro na pangasiwaan ito.

Sa ulat naman ng PDRRMO chief, ipinadala na ng kanilang tanggapan, sa hiling na rin ng OCD, ang isang 10-wheeler wing van na ginamit sa paghahakot ng mga relief goods at food items, tulad ng bigas at canned goods, mula sa Department of Social Welfare and Development (DSWD) warehouse sa Cavite, patungo sa Port ng Real,Quezon.

Patuloy din ang pakikipag-ugnayan ng kanilang tanggapan sa kapwa nila PDRRMO sa mga lalawigang lubos na nasalanta ng magkakasunod na bagyo, kabilang ang Cagayan, Isabela, Rizal, at mga probinsya sa Bicol region.

Magkakabalikat ang OCD, DSWD, Philippine National Police, Philippine Coast Guard at iba’t ibang mga pamahalaang lokal na makapaghatid ng tulong sa mga kababayang nasalanta ng ilang magkakasunod na bagyo sa Polillo Island sa Lalawigan ng Quezon.

Jun Magnaye – Batangas Capitol PIO / Photos: Nadine Labrador – PDRRMO

Like
Like Love Haha Wow Sad Angry

Comments are closed.