Batangas PDRRMO, Nag-ulat sa Kasalukuyang Sitwasyon ng Batangas Province sa Gitna ng Banta ng COVID-19

Hiling ni Gov. Mandanas na ₱21.5 Milyong Ayuda para sa 1,078 na Barangay sa Lalawigan, Pasado na sa Sanggunian
March 26, 2020
Recovered COVID-19 Patients sa Lalawigan ng Batangas, Patuloy na Nadaragdagan
April 1, 2020

April 1, 2020

Sa kabila ng dumaraming kaso ng COVID-19 sa buong bansa, tuloy-tuloy ang ginagawang pagtutok ng Pamahalaang Panlalawigan ng Batangas upang mas matugunan ang mga pangangailangan sa gitna ng kasalukuyang kinahaharap na pangkalusugang krisis.

Batay sa huling inilibas na situational report noong ika-31 ng Marso 2020 ng Provincial Disaster Risk Reduction and Management Office (PDRRMO), sa ilalim ng pamumuno ni Mr. Joselito Castro, nagtalaga na ang kanilang tanggapan ng dalawang ambulansya na naka-standby ng 24/7 kung saan ito ang gagamiting transportasyon para sa COVID-19 cases.

Upang matiyak naman ang kaligtasan ng mga Batangueño evacuees na naapektuhan sa pagputok ng Bulkang Taal at kasalukuyang naninirahan sa Talaibon Interim Resettlement Area sa Bayan ng Ibaan, minarapat ng PDRRMO na mag-deploy dito ng isang ambulance team na may kaukulang registered nurse o piling tauhan na 24/7 ding nakatigil sa naturang lugar.

Iniulat din ng tanggapan na sa kasalukuyan ay walang stranded na mga biyahero o pasahero sa Batangas Port.

Bukod dito, nanatili ring aktibo at bukas bente kwatro oras ang Provincial Emergency Operations Center ng PDRRMO na matatagpuan sa Sports Complex, Barangay Bolbok, Batangas City.

Samantala, upang matutukan naman ang pinakahuling sitwasyon at magkaroon ng direktang pag-uulat sa publiko, ipinaalam ng tanggapan na aktibo ang bawat Incident Management Teams at ang mga binuong Inter-Agency Task Force ng mga pamahalaang bayan at lungsod, maging ang pamahalaang panlalawigan, para sa anumang banta ng naturang sakit.

Hindi rin tumitigil ang tanggapan sa pagbibigay ng impormasyon sa publiko, pagkakaroon ng koordinasyon sa pagsubaybay sa estado o kalagayan ng bawat bayan at lungsod sa lalawigan, at pagpapa-abot ng tulong katuwang ang ilang mga ahensya ng gobyerno.

MJMM – Batangas Capitol PIO/ Photo: Lito Castro, PDRRMO

Like
Like Love Haha Wow Sad Angry

Comments are closed.