Recovered COVID-19 Patients sa Lalawigan ng Batangas, Patuloy na Nadaragdagan

Batangas PDRRMO, Nag-ulat sa Kasalukuyang Sitwasyon ng Batangas Province sa Gitna ng Banta ng COVID-19
April 1, 2020
Batangas Province IATF Situation Report (April 2, 2020)
April 2, 2020

April 1, 2020

Batay sa huling datos na inilabas ng Department of Health – Center for Health Development CaLaBaRZon nitong ika-1 ng Abril 2020, anim mula sa kabuuang 37 confirmed cases sa Lalawigan ng Batangas ang nakarekober na sa sakit na COVID-19.

Isa sa anim na magaling na mula sa naturang sakit si Ariane Khey, isang 23-anyos na Batangueña na tubong Nasugbu, Batangas.

Sa isang Facebook post, inihayag nito na tuluyan nang bumuti ang kaniyang kondisyon at nag-negatibo na sa huling dalawang swab test na isinagawa bilang paniniguro sa patuloy niyang paggaling.

Pagbabahagi pa nito, sa loob lamang ng 5 araw na pagitan, mula nang siya ay mag-positibo sa sakit na COVID-19, nag-negatibo na agad ito sa sumunod na isinagawang testing.

Gayunman, ayon kay Ariane, kailangan pa niya na sumailalim sa panibagong 14-day quarantine o isolation, alinsunod na rin sa payo ng mga doktor at bilang pagtalima sa patakaran o protocol ng Department of Health (DOH) upang mapigilan ang anumang posibilidad na pagkalat pa ng virus.

Sa kaniyang pinagdaanan, malaki ang naging pasasalamat nito sa kaniyang pamilya, mga kaibigan, mga doktor, at sa lahat ng healthcare frontliners na umalalay sa kaniya sa panahon ng pagsubok.

Payo naman ni Ariane na mahalaga na sundin ang mga protocols na ipinatutupad ng DOH lalo na kapag ang isang tao ay nakaramdam na ng sintomas o kahit iyong mga na-exposed sa mga nag-positibong indibidwal.

Bukod dito, malaki rin aniya ang naitutulong ng pagkakaroon ng sapat na tulog, palagiang pag-inom ng tubig, pagkain ng masusutansiyang gulay at prutas, at higit sa lahat ang pag-inom ng bitamina na nakatutulong sa pagpapalakas ng immune system.

MJMM – Batangas Capitol PIO / Photo: Ariane Tee Khey’s Facebook Post

(https://www.facebook.com/khey.ariane.tee/posts/2972781129409713?tn=K-R)

Like
Like Love Haha Wow Sad Angry
2

Comments are closed.