2019 Lakad para sa Pag-Asa ng Kabataan, nakalikom ng P1.2 Milyon

Batangueño PWDs, dumalo sa 2nd Semestral Meeting ng mga Focals at Federation Officers
November 14, 2019
P26M Financial Assistance mula sa DOH, ipinagkaloob sa Lalawigan ng Batangas
November 18, 2019

November 18, 2019

Batangas City- Bilang pagpapakita ng suporta sa kapakanan ng mga kabataan sa lalawigan, nagkakaisang lumakad ang Pamahalaang Panlalawigan ng Batangas at ang Batangas Province Alay Lakad Foundation Inc. (ALFI), kasama ang iba pang ahensya ng pamahalaan, mga pribadong tanggapan at civil-society groups, sa isinagawang 47th Walk for A Cause 2019 noong ika-15 ng Nobyembre 2019 sa Batangas Provincial Sports Complex, Bolbok, Batangas City.

Ang 2019 Alay Lakad, na may temang “Lakad para sa pag-asa ng kabataan,” ay nakalikom ng may kabuuang halagang ₱1.2 Milyon. ₱500,000 ang naging donasyon ng pamahalaang panlalawigan, sa gawaing hatid ng Batangas ALFI at Batangas Provincial Social Welfare and Development Office (PSWDO). Nagbahagi naman si Governor DoDo Mandanas ng ₱100,000 na personal na donasyon, samantalang nagbigay ng halagang tig-₱50,000 ang Batangas City Alay Lakad Foundation at Batangas State University.

Nakalikom ang Department of Education – Batangas ng ₱178,126 na kaloob, habang ang iba’t-ibang tanggapan ng Kapitolyo, kasama ang Sangguniang Panlalawigan, ay nakalikom ng kabuuang halagang ₱157, 135.00

Naging tampok na panauhin sa programa si Senator Manny Pacquiao, na kilala sa pagsuporta nito sa mga programang para sa kabataan, partikular sa larangan ng sports.

Nagpasalamat ang pamunuan ng Batangas ALFI, sa pangunguna ni Governor DoDo Mandanas, na honarary chairperson nito, sa lahat ng nakiisa sa nasabing dakilang gawain, na may layuning makaipon ng pondo na magagamit sa scholarship program ng mga out-of school youth sa buong lalawigan.

Sa kanilang naging pagpupulong, ipinaabot ni Senator Pacquiao, na kamakailan lamang ay tinanghal na “adopted son of Batangas” ng pamahalaang panlalawigan, ang plano nitong pagtulong sa Kapitolyo sa pamamagitan ng pagpapaayos at pagpapaganda ng kasalukuyang Batangas Sports Complex. Ayon kay Pacquiao, matapos maisayos at malagyan ng mga modernong kagamitan, ang pasilidad ay tatawaging Provincial Athletic Center- Milestone Achievement Network o PAC-MAN. Inaasahang malaki ang maitutulong nito sa pagpapalakas ng kakayahan ng mga atletang Batangueño, na sa Batangas Sports Complex nagsasanay tuwing may mga regional at national sports competitions.

Edwin V. Zabarte – Batangas PIO

Like
Like Love Haha Wow Sad Angry

Comments are closed.