October 20, 2023
Ipinagdiwang ng Pamahalaang Panlalawigan ng Batangas, sa pamamagitan ng Batangas Provincial Anti-Rabies Council, ang World Rabies Day, ngayong araw ng Biyernes, ika-20 ng Oktobre 2023, sa Regina R. Mandanas Memorial DREAM Zone, Capitol Compound, Batangas City.
Bagaman at ang World Rabies Day ay nakatakda tuwing Setyembre 28, isinagawa pa rin ang aktibidad ng pamahalaang panlalawigan upang bigyang-diin ang pagpapalaganap ng layunin ng selebrasyon na magkaroon ng mas malawak na kaalaman ang publiko sa tungkol sa rabies at pagsugpo nito, sa pagtutulungan ng mga ahensya ng pamahalaan, pribadong sektor at mga pet owners.
Naging sentro ng pagdiriwang ang Dog Fun Match na sinalihan ng maraming Batangueño dog at cat lovers. Nagwagi sa Best in Small Breed ang Chihuahua na si Cream, ng fur parent na si Ajay Lauchengco; Best in Medium Breed ang Husky na si Zexie ni Mark Alvin Domingo; Best in Large Breed ang American Bully na si Popoy ni Jofel Ayap; Best Aspin (Asong Pinoy) si Spaghetti ni Irisharon Selos; Best in Mixed Breed ang Shihtzu at Poodle mix na si Tyke ni Jay Suarez; Best Puppy ang Beagle na is Zedd ni Atty. John Ferdinand Maneja; at Early Dog ang Aspin na si Michiko ni Imee Milanes. Nakatanggap ng tropeo, medalya, cash prizes na ₱6,000, libreng rabies vaccination, at mga complimentary gifts mula sa mga sponsors ang mga contest winners.
Binigyang-parangal din ang top 3 Best Local Government Unit (LGU) Rabies Implementors o ang mga LGUs na matagumpay na naipatupad ang 5 Pillars of Rabies Elimination (STOP-R). Nanguna dito ang Sto. Tomas City Veterinary Office, habang pumangalawa ang Talisay Municipal Veterinary Office, at naging pangatlo ang Tanauan City Veterinary Office.
Sa larangan naman ng Best Performing Animal Bite Treatment Centers (ABTC), na base rin sa nakatakdang mga pamantayan, nanguna ang Cuenca ABTC ,na sinundan ng Tanauan City ABTC at Aligtagtag RHU ABTC. Nakatanggap din ng tropeo, cash prizes na ₱6,000, at mga complimentary gifts mula sa mga sponsors ang itinanghal na mga LGUs at ABTCs.
Lubos naman ang pasasalamat ng Provincial Rabies Coordinating Committee, sa pangunguna ng Office of the Provincial Veterinarian (ProVet) at Provincial Health Office (PHO), sa mga tumulong para maging matagumpay ang aktibidad, kabilang ang mga miyembro ng konseho, mga LGU partners at mga sponsors.
Naging aktibong kaisa sa aktibidad sina Provincial Veterinarian, Dr. Rommel Marasigan; Department of Health IV-A Regional Rabies Coordinator, Mr. Jomell Mojica; Dr. Josephine Gutierrez ng PHO; Dr. Lorelie Villarba ng ProVet; at Ginang Daisy Dalisay ng PHO.
V. Altar / Photos: Macc Venn Ocampo – Batangas Capitol PIO