Wastong Nutrisyon ng mga Batang Batangueño, Patuloy na Tinututukan ng Kapitolyo

Gabay sa Pag-abot ng Wasto at Abot-kayang Nutrisyon, Ibinahagi ng Batangas PHO
July 11, 2023
Mga Aktibidad sa 2023 Nutrition Month Celebration sa Batangas, Iniulat ng PHO
July 11, 2023

July 11, 2023

Nangunguna sa governance thrust o mandatong programa ni Governor DoDo Mandanas ang pagpapahalaga at pangangalaga sa kalusugan ng mga Pilipinong Batangueño. Dahilan ito upang tuloy-tuloy na magbigay ng kaukulang atensyon at pagtugon ang Pamahalaang Panlalawigan ng Batangas upang maitaas pa ang antas ng kalusugan sa lalawigan.

Sa naging panayam noong ika-7 ng Hulyo 2023 ng B’yaheng Kapitolyo, ang official Radio Program ng Pamahalaang Panlalawigan ng Batangas, kina Ms. Divina Bauan, Nutrition Officer III at Ms. Carlota Abratigue, Nutritionist Dietitian II, ng Provincial Health Office (PHO) at nagsilbing kinatawan ni PHO Department Head, Dr. Rosvilinda Ozaeta, nagbahagi sila ng kasalukuyang updates pagdating sa usaping pangnutrisyon sa probinsya.

Iniulat ng dalawa ang huling datos ng ilang nutrition-related challenges and problems sa lalawigan, batay sa isinagawang Oplan Timbang o OPT at natukoy na reports noong taong 2022 sa mga batang edad 0-59 months. Sa pagtatala ng PHO, mayroong 7,885 na bilang ng mga stunted o bansot; 1,873 na bilang ng mga wasted o payat; 4,244 ang kaso ng obesity o overwight; at 3,416 ang mga napaulat na underweight.

Tinututukan umano ng PHO ngayong taon ang suliranin sa pagkabansot o stunting sa lalawigan. Ang stunting ay nangangahulugan sa mas mababang height kung ikukumpara ito sa World Health Organization Child Growth Standards. Sa isinasaad ng National Nutrition Council, ito ay epekto ng hindi tamang nutrisyon ng ina habang nagbubuntis, hindi madalas at kulang na pagpapakain sa batang 0-23 na buwan, at kawalan ng tiyak na mapagkukunan ng pagkain.

Kaugnay niyan, mas pinaiigting pa ng PHO ang ilang mga programang pangnutrisyon nito, kabilang ang implementasyon ng Philippine Integrated Management of Acute Malnutrition (PMAM) Program, pagkakaroon ng Micronutrient Supplementation Program (Vitamin A, Iron, at Micronutrient Powders), Salt Iodization Program, Food Fortification Program, Deworming, Breastfeeding Program, pagtutok sa First 1000 days ni Baby Program, Infant and Young Child Feeding (IYCF) Program, at Overweight and Obesity Management and Prevention Program.

Sa tulong at suporta naman ng mga Nutrition Action Officers, na counterpart partners sa barangay at pamayanan, kasama ang mga Barangay Nutrition Scholars, mas napapalawig pa ang pagpapaganap ng mga proyekto at aktibidad na may kinalaman sa nutrisyon.

Samantala, nagpaalala rin ang mga Nutrition Officers na mahalagang masimulan ang tamang nutrisyon o healthy diet habang sanggol pa lamang. Ito ay sa pamamagitan ng exclusive breastfeeding mula 0-6 months na ipagpapatuloy hanggang dalawang taon o higit pa, at pagbibigay ng mga gulay, prutas at karne sa complementary feeding sa ika-anim na buwan ng bata. Malaking katipiran din anila ito sa mga nanay at higit sa lahat ay masisiguro ang sustansyang makukuha rito.

Mark Jonathan M. Macaraig – Batangas Capitol PIO

Like
Like Love Haha Wow Sad Angry

Comments are closed.