Gabay sa Pag-abot ng Wasto at Abot-kayang Nutrisyon, Ibinahagi ng Batangas PHO

Unang Harvest Day ng Maliputo Project ng Kapitolyo, Bayan ng San Luis Matagumpay
July 7, 2023
Wastong Nutrisyon ng mga Batang Batangueño, Patuloy na Tinututukan ng Kapitolyo
July 11, 2023

July 11, 2023

Malaking bahagi ang ginagampanan ng paghahatid ng wastong impormasyon at pagbibigay-kamalayan sa publiko ngayong ipinagdiriwang ng bansa ang 2023 Nutrition Month.

Kaugnay niyan, magkatuwang na naghatid ng mga gabay pangkalusugan at kaalamang pangnutrisyon ang mga naging kinatawan ni Provincial Health Office (PHO) Department Head, Dr. Rosvilinda Ozaeta, na sina Ms. Divina Bauan, Nutrition Officer III, at Ms. Carlota Abratigue, Nutritionist Dietitian II, sa ginanap na panayam ng B’yaheng Kapitolyo, ang opisyal na programang pang-radyo ng Pamahalaang Panlalawigan ng Batangas, noong ika-7 ng Hulyo 2023.

Sa tema ng pagdiriwang ng Buwan ng Nutrisyon ngayong Hulyo 2023 na “HEALTHY DIET gawing affordable FOR ALL,” at bilang isa ang pagkakaroon ng maayos na kalusugan at nutrisyon sa mga isinusulong na adbokasiya ni Governor DoDo Mandanas para sa mga Pilipinong Batangueño, naipabatid ni Ms. Bauan ang kahalagahan ng pagpapalawig sa kakayahan ng bawat pamilya na magkaroon ng access sa mga pangunahing pagkain tulad ng kanin, isda, gulay, at prutas sa murang halaga at abot-kayang paraan.

Isa sa mga iminungkahi niyang pamamaraan ay ang food gardening o pagtatanim ng mga gulay at prutas sa mga bakuran at bakanteng espasyo. Ayon sa Nutrition Officer, sa pamamagitan ng urban o food gardening, mapapalawak at madadagdagan ang pinagkukunan ng mga masustansyang pagkain. Bukod dito, puwede rin aniyang makilahok o makipagtulungan sa barangay upang makapagpatayo ng isang community garden na mapapakinabangan ng mas maraming pamilya sa bawat komunidad.

Sa naging palawinag ni Ms. Bauan, ang isang healthy diet ay dapat may sapat na calories at nutrients na kinakailangan ng katawan. Maaaring gamitin aniyang reference ang “Pinggang Pinoy,” na isang modelo upang makita ang tamang proporsyon ng mga pagkain na dapat kainin ng isang tao. Nakapaloob dito ang 3 basic food groups na Go, Grow, at Glow na mga pagkain kung saan hindi rin dapat aniya kalimutan ang madalas o sapat na pag-inom ng tubig.

Inilahad naman ni Ms. Abratigue na ang Pinggang Pinoy ay mayroong recommended servings sang-ayon sa life stages o dapat makuha ng isang pregnant at lactating na kababaihan, edad 3-12 taong gulang, mga kabataan o 13-18 years old, adults o 19-59 years old, at mga edad 60 years old pataas. Ayon sa Nutritionist Dietitian, mag-iiba man ang serving ngunit matatagpuan pa rin ang mga sustansya na dapat o kinakailangan ng bawat age group.

Pinayuhan din ni Ms. Abratigue ang publiko o mga nagnanais magkaroon ng special at individual diet na mahalagang komunsulta sa isang rehistradong nutritionist dietitian para maibigay ang nararapat na amount o servings na kinakailangan sa isang araw. Pinaalalahan din niya na iwasan ang tinatawag na Fad Diet sapagkat hindi aniya maganda ito sa kalusugan pagtagal ng panahon.

Dagdag pa niya, dahil sa kawalan ng sapat na kaalaman at kagustuhan na mapabilis ang pagbawas ng timbang, lingid sa kaalaman ng karamihan na ang Fad Diet ay nagreresulta sa pagkawala o pag-alis ng isa o higit pa sa 3 basic food groups na may iba’t ibang ginagampanan sa katawan, na nagiging sanhi ng ilang lifestyle diseases o pagkakasakit.

Sa huli, nagpaalala ang mga kawani ng PHO na mainam pa rin na umiwas sa mga processed food at sa halip ay bumili o tumangkilik ng mga sariwa at locally-produced na mga pagkain. Isa rin anila itong paraan para masuportahan ang mga local farmers and fisherfolks kung saan makakatipid na, tiyak pa na ligtas, tama, sapat, at masustansya ang kakainin.

Mark Jonathan M. Macaraig / Photo: Edz Zabarte – Batangas Capitol PIO
Pinggang Pinoy Illustration: DOST – FNRI

Like
Like Love Haha Wow Sad Angry

Comments are closed.