Ugnayan ng Cooperative Development Authority, Local Government Units at Cooperative Development Offices sa CALABARZON, mas Palalakasin

Batangas Blood Council, ilang mga LGUs sa probinsya, pinarangalan sa Regional Sandugo Awards
February 13, 2024
PaNata Ko sa Bayan Awards 2023, ginanap sa Batangas Capitol
February 15, 2024

February 13, 2024

Bilang isa sa mga pangunahing nagsusulong ng kapakanan ng mga kooperatiba sa Lalawigan ng Batangas, personal na dinaluhan ni Governor Hermilando Mandanas ang isinagawang CDA-LGU-CDO Partnership Forum noong ika-13 ng Pebrero 2024 sa Provincial Auditorium, Capitol Compound, Batangas City.

Ang nasabing forum ay pinangunahan ng Provincial Cooperative Livelihood and Enterprise Development Office (PCLEDO), na pinamumunuan ni Ginang Celia L. Atienza, at ng Cooperative Development Authority (CDA), na naglalayong palakasin ang magandang ugnayan ng CDA, Local Government Units (LGU) at mga Cooperative Development Offices (CDO) upang patuloy na mabigyan ng de-kalidad na serbisyo ang sektor ng kooperatiba sa buong CALABARZON Region.

Binigyang-diin ng gobernador sa kanyang mensahe ang kahalagahan ng pagkakaisa sa pagitan ng mga kooperatiba at LGUs upang walang maiwan sa patuloy na pag-unlad ng rehiyon. Aniya, malaki ang nagiging kontribusyon ng mga kooperatiba, hindi lamang sa ekonomiya ng lalawigan ngunit maging sa ikinabubuhay ng mga tao.

Samantala, ibinahagi naman ng mga kinatawan mula sa CDA Region 4-A ang ilang mahahalagang impormasyon patungkol sa kanilang CDA Plan/Program at CDA Workplan na magsisilbing gabay ng mga cooperative offices sa pagbibigay-serbisyo sa mga nasasakupan.

Gayundin, nagkaroon ng pagkakataon ang mga CDO ng bawat lalawigan, kabilang ang Cavite, Laguna, Batangas, Rizal at Quezon, na maipakita ang kanilang mga plano at programa, na maaaring gawing halimbawa ng mga karatig-bayan, na sa kasalukuyan ay nagsisimula pa lamang sa pagbuo ng kanilang mga tanggapan.

Kasamang dumalo sa nasabing pagtitipon sina Acting Vice Governor at 6th District Senior Board Member Claudette Ambida-Alday, CDA Board of Director Asec. Luz H. Yringco, CDA Deputy Administrator, Atty. Ma. Lourdes Pacao, CDA Region 4-A Director Salvador V. Valeroso at Ms. Janice Umali, na kumatawan kay Department of the Interior and Local Government (DILG) Asec. Elizabeth N. Lopez De Leon.

Gian Marco Escamillas, Batangas Capitol PIO / Photo by Francis Milla

Like
Like Love Haha Wow Sad Angry

Comments are closed.