Batangas Blood Council, ilang mga LGUs sa probinsya, pinarangalan sa Regional Sandugo Awards

APCPI of the Provincial Government of Batangas for CY 2023
February 12, 2024
Ugnayan ng Cooperative Development Authority, Local Government Units at Cooperative Development Offices sa CALABARZON, mas Palalakasin
February 13, 2024

February 13, 2024

Tumanggap ng parangal at pagkilala ang Batangas Provincial Blood Council sa ginanap na Regional Sandugo Awarding Ceremony noong ika-8 ng Pebrero 2024 sa Filinvest City, Alabang.

Ipinagkaloob ng Department of Health – Center for Health Development IV-A ang natatanging rekognisyon sa Lalawigan ng Batangas bilang pasasalamat sa mahalagang kontribusyon, pambihirang pagsisikap, at tuloy-tuloy na pagsuporta ng naturang konseho sa pagpapaganap ng National Voluntary Blood Services Program (NVBSP) ng bansa.

Ang Provincial Blood Council ng Batangas ay binubuo ng iba’t ibang ahensya at tanggapan ng pamahalaan, gayundin ng iba pang sektor, kabilang ang ilang health at academic institutions sa lalawigan. Pinangungunahan ito ni Governor Hermilando Mandanas, bilang honorary chairperson, kasama sina Provincial Health Officer, Dr. Rosvilinda Ozaeta, na tumatayong pangulo ng konseho; Philippine Red Cross Batangas Chapter Administrator Ronald Generoso, bilang vice president; at PEMSgt. Manuela Cueto ng Batangas PNP, na gumaganap bilang Council chairperson.

Bukod sa natatanging parangal na iginawad sa blood council ng lalawigan, binigyang-rekognisyon din ang Lungsod ng Calaca at Bayan ng Balayan matapos mahirang ang mga ito bilang Top Performing Local Government Unit (LGU) sa City and Municipal Levels.

Kabilang pa sa mga LGUs na tumanggap ng rekognisyon ay ang mga Lungsod ng Batangas, Lipa, Tanauan at Sto. Tomas, at mga Bayan ng Alitagtag, Cuenca, Taysan, Calatagan, Nasugbu, San Pascual, San Luis, at Bauan.

Kasama ring nabigyan ng pagkilala ng Pangrehiyong Kagawaran ng Kalusugan ang ilang hospital blood banks at stakeholders sa probinsya, at ang dalawang tanggapan ng Pamahalaang Panlalawigan ng Batangas, na kinabibilangan ng Provincial Health Office (PHO) at Provincial Information Office (PIO).

Ang mga pagkilalang nakamit ng bawat isang lokal na pamahalaan, organisasyon, at tanggapan ay simbolo ng pagiging laging katuwang upang maipalaganap ang kahalagahan ng boluntaryong pagbibigay ng dugo, nang sa gayon ay magkaroon ang rehiyon ng maayos na access sa sapat, may mataas na kalidad, at libreng blood-related products.

Naging kinatawan ng blood council at pamahalaang panlalawigan sa pagtanggap ng mga pagkilala sina Ms. Arlene Brucal, Voluntary Blood Services Program Manager, at Ms. Rosanna Macaraig, Vector-Borne Disease Prevention and Control Program Manager, na kapwa kawani mula sa PHO.

Samantala, nagsilbi namang tema ng idinaos na programa ngayong taon ang GAWAD DUGONG CALABARZON: “Pasasalamat, Parangal at Pagkilala sa mga Bayani ng Makabagong Panahon.”

Mark Jonathan M. Macaraig – Batangas Capitol PIO/
Photos: DOH – CHD IV-A & Ms. Arlene Brucal

Please follow and like us:
fb-share-icon
Like
Like Love Haha Wow Sad Angry

Comments are closed.