Batangas isinailalim sa State of Calamity dahil sa epekto ng Habagat, Bagyong Carina

Resolution No. 1033 Year 2024 – A RESOLUTION DECLARING THE ENTIRE PROVINCE OF BATANGAS UNDER STATE OF CALAMITY DUE TO THE EFFECTS OF ENHANCED SOUTHWEST MONSOON (HABAGAT) BY TYPHOON CARINA
July 24, 2024
Resolution No. 1071 Year 2024 – RESOLUTION URGING THE USE OF “WIKANG FILIPINO” DURING THE CELEBRATION OF THE FILIPINO LANGUAGE MONTH (‘BUWAN NG WIKA”) IN THE MONTH OF AUGUST
July 29, 2024

July 24, 2024

Pormal nang pinagtibay ng Sangguniang Panlalawigan ng Batangas ang deklarasyon ng State of Calamity sa buong Lalawigan ng Batangas dahil sa epekto ng Habagat na pinalakas ng Bagyong Carina.

Ang naturang deklarasyon ay naaprubahan sa pamamagitan ng isinagawang Special Session, na pinangunahan ni Vice Governor Mark Leviste bilang Presiding Officer, ngayong araw, ika-24 ng Hulyo 2024, sa Salvador H. Laurel Hall, Apolinario Mabini Legislative Building, Capitol Site, Batangas City.

Nagpasalamat naman si Governor Hermilando Mandanas sa agarang aksyon ng Sangguniang Panlalawigan sa kaniyang ipinadalang liham na isailalim ang probinsya sa State of Calamity.

Matatandaan na noong ika-23 ng Hulyo ay agaran ding nag-anunsyo si Provincial Disaster Risk Reduction and Management Council (PDRRMC) chairperson, Governor Mandanas, na isailalim ang Batangas sa estado ng State of Emergency dahil sa malakas at tuloy-tuloy na pag-ulan, pagkaranas ng matinding pagbaha, at pagguho ng lupa o landslide sa probinsya, na lubhang nakakaapekto sa mga Batangueño.

Kaugnay nito, batay sa isinagawa pang pagtatasa o monitoring ng PDRRMC at sang-ayon na rin sa patuloy na nararanasang epekto ng Habagat, iminungkahi nga ni Gov. Mandanas ang pagdedeklara ng State of Calamity sa probinsya.

Sa naging paliwanag ni PDRRMO Chief, Dr. Amor Calayan, ang deklarasyon ng State of Calamity para sa probinsya ay batay din sa existing laws and guidelines, kung saan naabot ng Batangas ang criteria na, “at least 15% of the forecasted affected population, based on science-based projection, are in need of emergency assistance.”

Sa inilabas ng Mines and Geosciences Bureau na listahan ng mga susceptible landslide and flooding areas, batay sa DOST PAGASA Rainfall Data, tinatayang may 451,901 na kabuuang bilang ng populasyo o 16% of the total population sa lalawigan ang maaaring maapektuhan ng mga pagbaha at pagguho ng lupa. Dagdag pa rito, sa inilabas na 5-day Regional Weather Outlook ng PAGASA para sa Batangas, makakaranas pa rin ang probinsya ng mga pag-ulan o rain showers at thunderstorms hanggang araw ng Biyernes, July 27.

Naging bahagi rin ng idinaos na sesyon ang pag-uulat ng Provincial Social Welfare and Development Office (PSWDO), sa pamamagitan ni PSWDO Assistant Department Head Ethel Luistro, ng kasalukuyang bilang o dami ng mga naapektuhang pamilya na probinsya. Sa kanilang datos kaninang alas-dose ng hapon, July 24, umabot na sa may kabuuang 1,234 na mga pamilya o may katumbas na 4,340 na bilang ng mga indibidwal ang naapektuhan mula sa 81 barangays ng iba’t ibang bayan at lungsod sa lalawigan.

May kabuuang 761 na mga pamilya o 2,616 na mga indibidwal ang lumikas sa mga itinalagang evacuation centers sa probinsya, habang ang iba naman ay kasalukuyan at pansamantalang naninirahan sa kanilang mga kamag-anak.

Bukod dito, base naman sa Situtional Report ng PDRRMC, naiulat din ang pagkasawi ng isang indibidwal mula sa Bayan ng Nasugbu dahil sa pagbagsak ng puno at apat naman ang naitalang casualties sa Bayan ng Agoncillo dulot ng landslide.

Mayroon ding napaulat na nasirang mga tahanan at imprastraktura, tulad ng bahagi ng
Delivery Room at Operating Room Complex ng Apacible Memorial District Hospital sa Nasugbu dahil sa pagbaha sa loob ng nabanggit na gusali.

Sa ulat naman mula sa Office of the Provincial Agriculturist, naitala ng kanilang tanggapan ang kabuuang ₱ 3,256,937.50 milyon na halaga ng pinsala, na kinabibilangan ng iba’t-ibang uri ng pananim tulad ng palay, mais, at iba pang high value commercial crops.

Samantala, bago isagawa ang special session, nagtungo na ang PDRRMO, sa pangunguna ni Dr. Amor Calayan, kasama si Vice Gov. Leviste, sa Lungsod ng Tanauan at mga Bayan ng Nasugbu, Lian, Balayan, at Agoncillo, para sa on-going monitoring at assessment.

Patuloy naman ang isinasagawang koordinasyon ng PDRRMO, PSWDO, Provincial Health Office, at iba pang disaster frontline offices ng Kapitolyo sa mga lokal na pamahalaan para sa anumang karagdagang updates hinggil sa kalagayan ng probinsya at ng mga apektadong mamamayan.

Bago magtapos ang session, tiniyak naman dito na, sa patuloy na paggabay ni Governor Mandanas, katuwang ang buong Sangguniang Panlalawigan ng Batangas, nakahanda ang pamahalaang panlalawigan para sa anumang pagtugon o pagpapaganap na relief efforts at paghahatid ng tulong sa mga nangangailangan. Mark Jonathan Macaraig / Photos: Kiko Milla – Batangas Capitol PIO

Please follow and like us:
fb-share-icon
Like
Like Love Haha Wow Sad Angry
6

Comments are closed.