PaNata Ko sa Bayan Awards 2023, ginanap sa Batangas Capitol

Ugnayan ng Cooperative Development Authority, Local Government Units at Cooperative Development Offices sa CALABARZON, mas Palalakasin
February 13, 2024
Batangas Province Science HS, #1 sa Grade 10 National Achievement Test sa SY 2022-2023
February 19, 2024

February 15, 2024

Pamahalaang Panlalawigan, ilang LGUs sa probinsya, kinilala ng DSWD IV-A

Muling nagsama-sama ang mga lingkod bayan at iba pang mga indibidwal sa buong CALARBAZON Region, na patuloy na naghahatid ng serbisyong may “extra love and care,” sa ginanap na Pagkilala sa Natatanging Kontribusyon (PaNata Ko) sa Bayan Awards ng Department of Social Welfare and Development (DSWD) IV-A para sa taong 2023 noong ika-15 ng Pebrero 2024 sa Provincial Auditorium, Capitol Compound, Batangas City.

Nagsilbing host Local Government Unit (LGU) ngayong taon ang Pamahalaang Panlalawigan ng Batangas, mula sa pakikipag-ugnayan ng Provincial Social Welfare and Development Office (PSWDO) sa naturang panrehiyong kagawaran.

Naging mainit ang pagtanggap ng pamahalaang panlalawigan, sa pangunguna ni Governor Hermilando Mandanas, kasama si PSWDO head Florita Lachica, sa lahat ng mga lingkod bayan mula sa DSWD at iba’t ibang mga SWD offices sa rehiyon, at sa mga kinatawan ng ilang non-government organizations, regional line agencies at lokal na pamahalaan. Naging kaisa rin ni Gov. Mandanas sa pagtanggap sa delegasyon ng mga bisita ang Pamahalaang Panlungsod ng Batangas, na pinangunahan ni Vice Mayor Alyssa Cruz, bilang kinatawan ni Batangas City Mayor Beverley Rose Dimacuha.

Sa naging mensahe ni Gov. Mandanas, lubos niyang pinasalamatan at kinilala ang mga nagsisilbing kabalikat sa pagbibigay ng serbisyo sa mga mamamayan. Kaniya ring binigyang-diin ang patuloy na pagsisikap ng bawat isa na maghatid ng malasakit sa kapwa at sa pagsunod sa panata para sa bayan.

Bukod dito, naging tampok din na paksa ng kaniyang talumpati ang kahalagahan ng pagkakaisa, pagkakaroon ng integridad sa paghahatid ng serbisyo, at pagbibigay ng dangal sa lahat ng mga tinutulungan. Ipinunto rin niya ang kaniyang patuloy na pag-aksyon para sa maayos na pagpapaganap ng “Mandanas Ruling,” na malaki aniya ang maiitulong sa bawat lokal na pamahalaan sa larangan ng pagkakaloob ng mga programa at proyekto na sumasaklaw sa kagalingang panlipunan at pagpapaunlad.

Samantala, ginawaran naman ang Provincial Government of Batangas ngayong taon ng ilang mga pagkilala, kabilang ang “Social Welfare and Development Laws Prime Mover” Award at Special Citation bilang “Supportive LGU in the Implementation of Pantawid Pamilyang Pilipino Program.”

Nakuha ng Lungsod ng Batangas ang “Social Welfare and Development Laws Prime Mover” at “Gawad Serbisyong Mapagkalinga” Awards. Itinanghal naman ang Bayan ng Mataasnakahoy bilang Hall of Famer Awardee para sa pagiging “Model LGU Supporting the Implementation of Pantawid Pamilyang Pilipino Program.” Ginawaran din ang Lungsod ng Sto. Tomas at Bayan ng Cuenca ng pagkilala bilang mga “Model LGUs Implementing Persons with Disability Office (PDAO)” para sa city and municipal levels.

Bukod dito, ipinagkaloob din sa Bayan ng Cuenca ang “Gawad Serbisyong Masigasig” Award. Napabilang naman sa mga tumanggap ng “Gawad Serbisyong Masigasig” Award ang mga Lungsod ng Batangas at Calaca, at mga Bayan ng Agoncillo, Bauan, at Taysan.
Binigyang-rekognisyon din ng DSWD IV-A ang Batangas State University na tumanggap ng ‘Good Convergence Initiative’ Award.

Ang “PaNata Ko sa Bayan” Awards ay isang paraan ng DSWD upang pasalamatan at kilalanin ang iba’t ibang mga indibidwal, grupo, organisasyon, at mga lokal na pamahalaan na tumutulong, sumusuporta, at nagpapatupad ng mga programa at serbisyo ng nasabing kagawaran para sa sektor ng mga higit na nangangailan, tulad na lamang sa sektor ng senior citizens, persons with disabilities, kababaihan, at kabataan.

Dinaluhan ang idinaos na awarding ceremony ng ilang mga opisyal ng DSWD, kabilang sina DSWD Assistant Secretaries Irene Dumlao at Marites Maristela, DSWD IV-A Regional Director (RD) Barry Chua, Assistant RD (ARD) for Operations Mylah Gatchalian, at ARD for Administration Alkent Bacolod.

Ito ay isinagawa bilang bahagi at pakikiisa sa ika-73 taong anibersaryo ng DSWD na may temang: “DSWD Angels in Red Vests: Empathy in Action, Integrity in Service, Unity in Community.”

Mark Jonathan M. Macaraig – Batangas Capitol PIO/
Photos: Francis Milla

Please follow and like us:
fb-share-icon
Like
Like Love Haha Wow Sad Angry

Comments are closed.