Sa harap ng ASF scare, haulers’ forum, boodle fight, isinagawa sa Batangas Capitol

Lakan at Lakambini ng Batangas 2019, kinoronahan
September 17, 2019
Tulong pinansiyal, ipinamahagi noong People’s Day
September 20, 2019

September 20, 2019

Sa pangunguna ng Office of the Provincial Veterinarian (OPV), isinagawa ng Pamahalaang Panlalawigan ng Batangas ang Batangas Haulers’ Forum at Boodle Fight sa Provincial Auditorium, Capitol Compound, Batangas City noong ika-20 ng Setyembre 2019.

Sa gabay ng #Pork at #TatakBatangasSiguradongLigtas, nagkaroon ng mga presentasyon tungkol sa Animal Welfare, Animal Movement Resolutions, at mga napapanahong isyu na kinakaharap ng industriya ng pag-aalaga ng baboy sa lalawigan, sa harap ng banta ng African Swine Fever (ASF). Tinalakay din sa mga presentasyon ang wasto paraan ng pag-aalaga ng hayop, tamang pagbibyahe ng mga alagang hayop at mga dapat gawin upang mapanatiling malusog ang mga ito.

“Gusto naming ipaalam sa inyo at iparamdam bilang mga stakeholders, kayo ay may moral obligation sa ating industriya,” hamon ni Dr. Romelito Marasigan, Provincial Veterinarian. Hinikayat niya na makipagtulungan ang lahat ng mga Batangueño haulers upang maiwasang makapasok ang ASF sa lalawigan.

Sa kanyang mensahe, sinabi ni Gov. DoDo Mandanas na lubos na pinagpapala ang lalawigan sapagkat wala pang naiitalang kaso ng ASF dito. Binigyang-diin niya ang labingpitong checkpoints na itinalaga ng pamahalaang panlalawigan sa lahat ng mga entry at exit points ng Batangas Province upang mahigpitan ang seguridad sa mga pumapasok na livestock mula sa ibang lalawigan.

Dumalo sa pagpupulong ang iba’t-ibang grupo ng hog raisers at haulers, na may mga operasyong commercial at backyard.

Naging pangunahing bisita sa pagtitipon sina Department of Agriculture IV-A Regional Agricultural and Fishery Council Chairperson Pedrito Kalaw, Batangas Livestock and Poultry Haulers Association President Alex Tolentino, 1st District Board Member Carlo Roman Rosales, 3rd District Board Member Rudy Balba, at ilang opisyal ng Department of Trade and Industry.

Matapos ang isang open forum, kung saan nabigyang-linaw ang ilang mga tanong tungkol sa ASF, isang boodle fight naman ang isinagawa ng mga participants, sa pangunguna ni Gov. Mandanas, upang ipakita at patunayan sa publiko na ligtas kumain ng karneng baboy.

Junjun Hara De Chavez, Photo: Karl Ambida – Batangas PIO

Like
Like Love Haha Wow Sad Angry

Comments are closed.