April 17, 2017
Isang Batangueño mula San Jose, Batangas ang nanguna sa tropa ng pamahalaan na lumaban at tumalo sa mga teroristang Abu Sayyaf na nagtangkang maghasik ng lagim sa Bohol, isa sa pinakakilalang tourist destinations sa bansa noong ika-12 ng Abril 2017.
Sa kasamaang palad, isa si 2nd Lt. Espelito Saldua, Jr. sa 4 na sundalo at pulis na binawian ng buhay sa nasabing engkuwentro, kung saan napatay si Abu Sayyaf Commander at Spokesperson Abu Rami.
Magkasamang bumisita sa lamay ni Lt. Saldua sa Brgy. Mojon Tampoy, San Jose nitong ika-17 ng Abril 2017 upang makiramay sina Pangulong Rodrigo Duterte at Batangas Governor Hermilando Mandanas.
“Ipinakita ni Lt. Saldua ang kabayanihan nang ialay niya ang kanyang buhay para sa kapayapaan,” ayon kay Gov. Mandanas, na nauna nang bumisita sa lamay noong Abril 15, 2017.
Nagbigay ang Pamahalaang Panlalawigan ng Batangas sa pamilya ni Saldua ng posthumous Plaque of Appreciation, PhP 100,000 financial assistance at nangako ng educational support sa dalawang nakababatang kapatid ng bayaning sundalo.
Ayon sa mga ulat, ginawaran naman ni Pangulong Duterte si Lt. Saldua ng Military Merit Medal, ang parangal na ibinibigay sa mga sundalong nagpakita ng kabayanihan at kagalingan sa pagganap ng tungkulin sa pakikipaglaban. Sasagutin din daw ng pamahalaang nasyunal ang pag-aaral ng mga kapatid ni Saldua.
Bahagi si Saldua ng 47th Army Infantry Battalion na naka-base sa Bohol at Philippine Military Academy Class ng 2015 o Class “Sinag-lahi,” na ibig sabihin ay “Sundalong Isinilang na May Angking Galing at Lakas, Handang Ipaglaban Ang Bayan.” Vince Altar – Batangas Capitol PIO