February 19, 2024
Kinilala ng Pamahalaang Panlalawigan ng Batangas ang mga Grade 10 students ng Batangas Province Science High School sa Lungsod ng Calaca, Batangas matapos nilang makuha ang pinakamataas na grado sa National Achievement Test (NAT) para sa School Year 2022-2023 sa buong Pilipinas.
Nagkamit din ng Highly Proficient rating ang mga Batangueño science high school students dahil sa nakamit nilang marka na 81.87 noong ika-27 ng Hunyo taong 2023.
Naungusan ng Batangas Province Science High School ang Cavite Science Integrated School, Makati West-Makati Science High School, City of Mandaluyong Science High School, Pasig City Science High School, Tagbilaran City Science High School, Valenzuela City School of Math, Badiang National High School, Mandaue City Science High School at Hinampalan National High School, ang mga paaralang nakabilang sa Top 10 at nakakuha ng Proficient na rating.
Ang NAT ay isang pagsusulit na kinukuha ng mga mag-aaral na nasa Grade 3, Grade 6, Grade 10 at Grade 12 upang malaman ang kanilang academic levels, kalakasan at kahinaan, at ang kanilang mga natutunan sa mga major subjects sa buong taon.
Kasama ang kanilang adviser na si Ginang Myra M. Reyes, ang mga estudyante ay binigyang-pagkilala ng pamunuan ng Pamahalaang Panlalawigan ng Batangas, sa pangunguna nina Governor Hermilando I. Mandanas, Acting Vice Governor at 5th District Senior Board Member Claudette Ambida-Alday, mga Sangguniang Panlalawigan board members, Provincial Administrator Wilfredo Racelis, Provincial Information Officer at Chief of Staff Maria Isabel Bejasa noong ika-19 ng Pebrero 2024 sa Regina R. Mandanas Memorial DREAM Zone, Lungsod ng Batangas.
Mon Antonio A. Carag III , Photo by Francis Milla-Batangas PIO Capitol