Health Protocols, Maigting na Ipapatupad
Kanselado ngayong taon ang pagbubukas sa publiko ng taunang Pailaw sa Taal, na isa sa mga inaabangan ng mga Batangueño sa tuwing papalapit na ang Kapaskuhan. Ito ang tinalakay ni Mayor Fulgencio “Pong” Mercado, ang punong bayan ng Munisipalidad ng Taal, sa kaniyang pagbibigay-ulat sa mga mamamayan ng Taal noong ika-27 ng Nobyembre 2020.
Ayon kay Mayor Pong, napagdesisyunan ng pamahalaang bayan na kanselahin ang nasabing pailaw sa harap ng makasaysayang Taal Basilica, sang-ayon sa rekomendasyon ng kanilang Inter-Agency Task Force Against COVID-19.
Sa naging panayam kay Mayor Pong sa B’yaheng Kapitolyo noong ika-24 ng Nobyembre, binalak pa ng kanilang pamunuan na muling buksan ang pailaw nang sa gayon ay makatulong sa pagbubukas at pagbangon ng ekonomiya ng Bayan ng Taal.
Sa katunayan, ang pailaw sa Taal Basilica ay planado nang buksang muli sa pakikipagtulungan ng National Historical Commission of the Philippines at iba pang mga donors ngunit upang mas mapalawig ang ginagawang pag-iingat ay napagdesisyunan at minarapat na ipagpaliban na lamang muna para sa taong ito.
Sa naging pahayag naman ni Governor DoDo Mandanas sa nakaraang IATF Meeting, na hindi ipinagbabawal ang pailaw basta masusunod ang mga pag-iingat pangkalusugan.
Sa naging ulat ng alkalde, ipinunto rin nito na bawal muna ang pagpunta sa Plaza pagsapit ng gabi higit lalo na sa mga bata o mga edad 15 pababa. Hindi rin papayagan ang mga christmas caroling at. parties.
Sa darating na fiesta ng bayan ngayong ika-8 at 9 ng Disyembre, pinapayagan na magkaroon pa rin ng handaan ngunit mariin na ipinaalala ng Punong-bayan na bawal ang mga imbitadong bisita at tanging mismong miyembro lamang ng pamilya sa kani-kanilang tahanan ang pwedeng magsalu-salo.
Binigyang-diin din ni Mayor Pong na sa panahon ngayon ng kapaskuhan, mas maigting aniya na ipapatupad ang health protocols, bilang pagsunod sa IATF guidelines, nang hindi na aniya lumaganap pa ang virus.
Samantala, inaasahan na maglalabas ang Munisipalidad ng Taal ng isang Executive Order na magiging gabay ng mga mamamayan nito para mas maayos na maipatupad ang mga itinakdang health and safety guidelines ngayong holiday season.
Mayen Maneja – Batangas Capitol PIO