OPAg, BFAR IV-A, Magkatuwang na Palalakasin ang Produksyon ng Asin sa Batangas

Pagsasanay sa Corn Production, Isinagawa ng Batangas Provincial Agri Office
August 11, 2023
Invitation to Bid – Goods (August 30, 2023)
August 11, 2023

August 11, 2023

Magiging kaisa ang Pamahalaang Panlalawigan ng Batangas, sa pangunguna ng Office of the Provincial Agriculturist (OPAg), sa pagtugon sa bumababang lokal na produksyon ng asin sa Pilipinas, sa pamamagitan ng pakikipagtulungan sa Bureau of Fisheries and Aquatic Resources (BFAR) Region IV-A.

Sa naging panayam noong ika-8 ng Agosto 2023 ng B’yaheng Kapitolyo, ang official Radio Program ng pamahalaang panlalawigan, kina Mr. John Mark Pangilinan, Agriculturist II, at Mr. Paul John Caunan, Aquaculturist II, na kapwa nagsilbing kinatawan ni Provincial Agriculturist, Dr. Rodrigo Bautista, ipinabatid ng dalawang kawani na tutugon ang Kapitolyo, sang-ayon sa adhikain ni Governor DoDo Mandanas, na makatulong ang Lalawigan ng Batangas upang mapataas ang produksyon ng asin sa bansa.

Batay sa ipinakitang datos ng OPAg, noong taong 1990, 85% pa ang bahagdan o taas ng volume sa local production ng asin sa bansa, habang 15% ang mula sa salt importation. Ngunit, noong taong 2021, nakita ang matinding pagbagsak ng volume sa locally-produced na asin sa 7% na bahagdan, kung saan nangangahulugan na ang 93% ay pawang imported.

Kaugnay nito, agarang nagkaroon ng isang kortesiya o pagbisita ang mga empleyado ng BFAR IV-A kay Provincial Administrator at kasalukuyang In-Charge ng Provincial Planning and Development Office, Mr. Wilfredo Racelis, na kumatawan kay Gov. Mandanas. Dito ay naipresinta ng BFAR ang sea salt production project sa lalawigan.

Ang naturang proyekto ay napiling isagawa sa Barangay Imelda sa Bayan ng San Juan, kung saan may lupain na pagmamay-ari ng pamahalaang panlalawigan. Dahil dito, inaasahang hindi lamang mapapataas ang produksyon ng asin sa probinsya, kung hindi ay matutulungan din ang mga marginalized fisherfolks ng nasabing lugar bilang mga benepisyaryo ng salt production project.

Ayon sa mga kawani ng OPAg, akma anila na gamitin sa natukoy na lugar ang sun-drying method na paggagawa ng asin.

Pangangasiwaan ng OPAg ang proyekto at magbibigay naman ng mga materyales at iba pang technical assistance ang BFAR.

Wala rin anilang babayaran ang mga benepisyaryo para rito. Kinakailangan lamang anila na pangalagaan ang natukoy na production area para sa mas maayos na pagpapaganap ng salt production project.

Dagdag pa rito, sa panahon ng harvest season, may humigit kumulang kalahating kilo umano ang maaaring ma-produce na dami ng asin sa loob lamang ng tatlo o hanggang apat na araw. Ito, anila, ay imo-monitor lamang araw-araw at babantayan ang crystallization process o pagkakaroon na ng butil-butil na asin.

Ipinaabot naman ng dalawang kawani ang pasasalamat sa pamahalaang nasyunal para sa pagdadala ng proyektong ito sa lalawigan. Nararapat lamang din anila ito sapagkat malawak ang coastline ng Batangas.

Ipinahayag din ng OPAg na ang pagyakap ng Kapitolyo sa programang ito ay panimula pa lamang at patuloy silang makikipag-ugnayan sa iba pang coastal municipalities para mapalawig ang inisyatibong ito ng pamahalaang panlalawigan, lalo’t higit na sinisikap na ng OPAg na magkaroon ng sariling pondo para maitulong sa iba pang bayan sa Batangas.

Mark Jonathan M. Macaraig – Batangas Capitol PIO

Like
Like Love Haha Wow Sad Angry

Comments are closed.