Natatanging mga PWD Individuals, Samahan Kinilala sa Batangan Mabini Awards 2023

151 Blood Donors, Nakiisa sa Batangas Blood Council Drive sa Balayan
July 28, 2023
Resolution No. 1075 Year 2023 – SUPPORTING AUGUST 1, 1898 AS THE TRUE DECLARATION OF PHILIPPINE INDEPENDENCE
July 31, 2023

July 28, 2023

Sinimulan sa pamamagitan ng isang banal na Misa ang pagdiriwang ng 45th National Disability Prevention & Rehabilitation Week, na laan ng Pamahalaang Panlalawigan ng Batangas para bigyan ng pagkilala ang mga natatanging indibidwal at mga organisasyon na kabilang sa sektor ng mga may kapansanan.

Ang nasabing programa, na may temang “Aksesibilidad at Karapatan ng Taong May Kapansanan: Daan tungo sa Sustenableng Kinabukasan na Walang Iwanan,” ay ginanap noong ika-27 ng Hulyo 2023 sa Regina R. Mandanas Memorial DREAM Zone, Capitol Compound, Lungsod ng Batangas. Buong pusong nakiisa sa pagdiriwang si Batangas Governor DoDo Mandanas, kasama sina Vice Governor Mark Leviste, 5th District Senior Board Member (BM) Claudette Ambida, at 1st District BM Carlos Roman “Jun Jun” Rosales na taos pusong ipinaabot ang kanyang mensahe ng pagsuporta sa kapakanan at programang laan para sa mga persons with disabilities.

Sa mensahe ng gobernador, ibinahagi nito na pinapahalagahan ang pamahalaang panlalawigan ang mga kababayang Persons with Disability (PWD) at pinasasalamatan ang mga naiaambag ng mga ito sa paglilingkod sa pamayanan.

Sa kanyang slogan na “Hindi Ikaw Maiiwan,” sinisiguro ng kanyang pamunuan na lahat ng mga samahan at sektor ng lipunan na naghahatid ng serbisyong pang-komunidad at kaunlaran ay binibigyang suporta dahil, aniya, sa pagtutulungan ay tunay na nakakamtan ang lakas ng mga Batangueño.

Apolinario Mabini Batangan Awardees

Naging bahagi rin ng programa ang pagagawad ng parangal para sa mga hinirang na Apolinario Mabini Batangan awardees para sa taong 2023. Sa taong ito, kinilala ng pamahalaang panlalawigan, sa pangunguna ng Provincial Social Welfare and Development Office, ang PWD Parent of the Year, SPED Teacher of the Year, Person With Disability of the Year, at Outstanding Persons with Disability Affairs Office.

Tinanghal na Parent of the Year si Marissa S. Leachon ng Bayan ng Nasugbu, SPED Teacher of the Year si Janette J. Ameng ng Bayan ng Bauan, Person with Disability of the Year si Marites Valencia Odarbe ng Bayan ng San Juan, at PDAO Office of the Year ang tanggapan sa Bayan ng Cuenca.

Binigyang pagkilala rin ang mga PWD athletes na nagkamit ng karangalan sa larangan ng sports, partikular sa ginanap na 2023 ASEAN Para Games sa Cambodia. Ito ay sina Kenneth Christopher I. Tapia at Kyle Carlo Carandang, Silver Medalists sa Men’s Basketball, at Prudencia Panaligan at Mylene Magaja, na mga miyembro ng Women’s Basketball team.

Oath-taking ng mga Opisyal ng Batangas PWD Federation

Sa nasabing okasyon, nanumpa rin ang mga bagong opisyal ng Federation of Persons with Disability of the Province of Batangas, Inc., sa pangunguna ni Ginoong Nelson Adante, ang pangulo ng PWD Association ng Bauan at muling nahalalal na pangulo ng PWD Provincial Federation.

Isinagawa rin ang isang Forum tungkol sa Batangas Pambansa Bilang 344 o ang Accessibility Law of 1982 at Republic Acti 11228 o An Act Providing Mandatory PhilHealth Coverage for All Persons with Disabilities.

Sa pagbibigay ng mga pagkilala at pagpapahalaga sa sektor ng PWD, tunay na isinasapuso ng lalawigan ang legasiya ni Gat. Apolinario Mabini, ang bayaning Batangueño na tinaguriang “The Sublime Paralytic.” Pinatunayan niyang ang kapansanan ay hindi hadlang nang aktibo siyang naging bahagi ng mga pakikibaka sa mga dayuhang mananakop upang makamtam ang kalayaan ng bansa. Ito naman ang tunay na isinasabuhay ng mga awardees sa pamamagitan ng kanilang mga pagpupunyagi, sa kabila ng kanilang kalagayan, para sa kagalingan ng kanilang mga sarili, pamilya at lipunan.

Edwin V. Zabarte – Batangas PIO

Like
Like Love Haha Wow Sad Angry
32

Comments are closed.