Mga mag-aaral na Batangueño Nagtagisan sa Makabagong Panunula 2023 sa Kapitolyo

3rd Quarter Meetings ng mga Provincial Councils Ginanap sa Batangas Capitol
September 29, 2023
Resolution No. 1408 Year 2023, Provincial Ordinance No. 014 Year 2023 – Providing for the Passage of an Ordinance Approving the Conveyance, Transfer, Assignment and Turnover of the Management, Control, Ownership and Operation of the Lipa City District Hospital (LCDH) from the Provincial Government of Batangas (PGB) to the City Government of Lipa (CGL)
October 2, 2023

September 29, 2023

Bilang pakikiisa sa pagdiriwang ng Buwan ng Wika at Nasyonalismo, matagumpay na idinaos ng Pamahalaang Panlalawigan ng Batangas ang ika-Anim na Patimpalak ng ‘Spoken Poetry’ o Makabagong Panunula na ginanap sa Provincial Auditorium, Capitol Compound, Lungsod ng Batangas noong ika-29 ng Setyembre 2023.

Ang nasabing paligsahan ay proyekto at mula sa inisyatibo ni 5th District Senior Board Member Claudette Ambida, katuwang ang Tanggapan ng Panlalawigang Turismo at Ugnayang Pangkultura, Department of Education (DepEd), at Batangas City Private Schools Association (BCPRISA).

Sa gabay ng temang “Mga Boses ng Halalan: Isang Boto para sa Pangarap na Bago!,” binigyan ng tig-tatlo hanggang limang minuto ang 19 na mga kalahok, na pawang mga mag-aaral mula sa iba’t-ibang pribado at pampublikong paaralan sa Lungsod ng Batangas upang maipamalas ang kani-kanilang taglay na angking galing at talento sa pagtatanghal ng kanilang orihinal at sariling tula.

Hinirang na kampeon si Ma. Sophia Velasquez, isang Grade 12 student ng Alangilan Senior High School, na nakatanggap ng tropeo, certificate at cash prize na nagkakahalaga ng ₱7,000.00. Pumangalawa si Tristan Noel Flores na isa ring Grade 12 student mula sa Balete Integrated School, at pangatlo si Theresa Jasmine Amo, Grade 12 student mula naman sa St. Bridget College.

Ang bawat kalahok, na pawang nakatanggap ng sertipiko at premyo, ay hinusgahan sa pamamagitan ng pamantayang kinapapalooban ng mensahe o nilalaman ng piyesa, pagtatanghal, memorya, at linaw at ganda ng boses o pagsasalita.

Ang Makabagong Panunula, na ngayon ay isa nang taunang paligsahan, ay isinasagawa sa pamamagitan ng pagpepresenta o pagtatanghal na ginagamitan lamang ng salita. Ang spoken word poetry, bilang isang nauusong uri ng sining sa mga kabataan ay ang paggamit ng word play na naaakma sa paksa, tono ng boses o intonasyon at kung minsan ay maaaring lapatan ng musika upang ipahayag ang saloobin at pumukaw ng atensyon.

Sa naging pahayag ni Bokal Ambida, ang patimpalak ay bahagi ng pagsasagawa ng mga makabuluhan at napapanahong mga programang may kinalaman sa wika at kulturang Filipino. Layunin din umano nito na pahalagahan ang wikang pambansa at lalong buhayin ang paggamit ng sariling wika, partikular sa mga lider na kabataan.

Nangako naman ang bokala, na sa abot ng kaniyang makakaya, ipagpapatuloy niya at hindi hahayaang maputol ang nasimulang proyekto. Hangarin din ng kanyang tanggapan na palawigin pa ang paligsahan sa buong lalawigan at hindi lamang sa Lungsod ng Batangas.

Sheryl Mae M. Halili / Photos – Junjun De Chavez – Batangas Capitol PIO

Like
Like Love Haha Wow Sad Angry

Comments are closed.