September 29, 2023
Isinagawa ng Pamahalaang Panlalawigan ng Batangas ang 3rd Quarter Joint Full Council Meetings ng Provincial Development Council, Provincial Disaster Risk Reduction and Management Council, Provincial Peace and Order Council at Provincial Anti-Drug Abuse Council na ginanap sa Provincial Auditorium, Capitol Compound, Lungsod ng Batangas noong ika-27 ng Setyembre 2023.
Pinangunahan ni Gov. DoDo Mandanas, bilang chairperson ng mga nasabing konseho, ang mga pagpupulong kasama ang mga miyembro ng mga ito mula sa iba’t ibang sangay ng pamahalaan at pribadong sektor.
Ipinasa ng mga kasapi ng PDC ang Annual Investment Program 2024 ng pamahalaang panlalawigan, Provincial Commodity Investment Plan 2024-2026 at Batangas Provincial Project Monitoring Committee Report. Ang mga ito ay i-eendorso kasunod sa Sangguniang Panlalawigan, habang ang huling dalawang dokumento ay ipapasa naman sa Department of Agriculture Regional Field Unit at Regional Project Monitoring Committee, sang-ayon sa pagkakasunod.
Nagbigay din ng update ang Provincial Planning and Development Office tungkol sa ASEAN Batangas Access Zone sa Sta. Rita Aplaya, Batangas City, na isa sa mga major projects ng pamahalaang panlalawigan, katuwang ang pamahalaang nasyunal. Ang on-going na pagawain, sa pamamagitan ng Department of Public Works and Highways, ay infrastructure support para sa bubuksang Regional Food Terminal sa nasabing lugar. Inaasahan itong magiging “gateway of agro-industrial corridor” sa Pilipinas, at bahagi ng Southeast Asian logistics hub network.
Nagbahagi rin ang National Grid Corporation ng kanilang kasalukuyang proyekto na Batangas-Mindoro Interconnection Project na magbibigay daan sa isla ng Mindoro na makakonekta sa sapat na power supply mula sa mainland ng Luzon.
Tinalakay din sa pulong ng PDC ang tungkol sa mga naisagawa na at mga planong aksyon para sa kasalukuyang isyu ng mga magsasaka ng tubo sa Batangas dahil sa pagsasara ng Centrak Azucarera de Don Pedro sugar mill sa Bayan ng Nasugbu. Nag-ulat ang Department of Labor and Employment, Sugar Regulatory Administration at Provincial Agrarian Reform Office tungkol sa kanilang mga naisagawa at isinasagawang mga hakbang tungkol dito. Nagbahagi rin ng mga karanasan, pananaw at suhestyon tungkol dito ang mga organisasyong Pagkakaisa ng Manggagawang Bukid sa Tubuhan (PAMATU) at Batangas Forum.
Sa PDRRMC meeting, pinagtibay ng mga miyembro ang Batangas PDRRM Operations Center Standard Operating Procedures and Guidelines 2023, na ipapasa kasunod sa Sangguniang Panlalawigan, ang Resolution for Additional Members of the Disaster Rehabilitation and Recovery Committee, at proposed supplemental budget at realignment para maggamit sa pagbili ng mga karagdagang gamit at kasangkapan tuwing may mga emergency situations. Pinangunahan ang paglalahad ng nilalaman ng agenda ni PDRRMO head, Dr. Amor Calayan.
Itinanghal naman sa PPOC, sa pangunguna ni Department of the Interior and Local Government (DILG) Batangas Provincial Director Allan Benitez, ang mga ulat tungkol sa Peace and Order Situation mula sa Batangas Police Provincial Office, Insurgency Situation na isinagawa ni Philippine Army 59th Infantry Battalion Commander LtCol Ernesto Teneza, Jr., at updates ng konseho. Ibinahagi rin at pinagtibay dito ang revised Peace and Order and Public Safety Plan (POPS Plan) 2024-2025, na ipapasa sunod sa Batangas SP.
Naging tampok naman sa PADAC meeting ang presentasyon ni Investigation Agent 5 (IA5) Rachelle Mission, ang Batangas Provincial Director ng Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA), tungkol sa Community-Based Drug Rehabilitation Program (CBDRP) at Balay Silangan. Ipinasa rin ng konseho ang mga resolution, na hinihikayat ang mga City at Municipal ADAC na tapusin na ang kani-kanilang CBDRP upang mabigyan ng Department of Health ng kaukulang sertipikasyon, at pagbalangkas ng Balay Silangan, ang drug reformation program ng PDEA; at idinagdagdag ang PDEA bilang miyembro ng mga City at Municipal ADAC. Pinangunahan ng PADAC meeting ni Provincial Assistance for Community Development Office chief Fredesvinda Mendoza.
Naging kaisa sa pagtitipon sina Talisay Mayor Nestor Natanauan, Sta. Teresita Mayor Norberto Segunial, Mataas na Kahoy Mayor Janet Ilagan, 6th District Board Member Claudette Ambida, 3rd District Board Member Fred Corona, Provincial Administrator Wilfredo Racelis, na tumayo ring chairperson ng pagpupulong, at iba pang mga opisyal at kinatawan ng mga ahensya ng pamahalaan at non-government organizations.
Vince Altar / Photos: Macc Ocampo – Batangas Capitol PIO