Mga Inisyatibo, Aktibidad sa Coop Month, Tinalakay ng Batangas PCLEDO

2023 Governor’s Cup winners, kinilala ng Kapitolyo
October 9, 2023
3rd CALABARZON Culture Summit, isinagawa sa Batangas Capitol
October 13, 2023

October 13, 2023

“…Flexible ang Provincial Government, and we’re so thankful that the Administration of Governor Mandanas has so much belief sa Coop.”


Ito ang binigyang-diin ni Provincial Cooperative, Livelihood and Enterprise Development Office (PCLEDO) head Celia Atienza sa kaniyang naging panayam sa opisyal na programang pang-radyo ng Pamahalaang Panlalawigan ng Batangas, ang B’yaheng Kapitolyo, noong ika-11 ng Oktubre 2023, upang maghatid ng mahahalagang detalye at kasalukuyang updates pagdating sa usaping pangkooperartiba sa probinsya.

Sa isinagawang information dissemination campaign, ipinaalam ni Gng. Atienza na patuloy silang nakatutok sa mga indibidwal na kooperatiba sa lalawigan. Bilang tagapamuno at nangunguna sa pagsusulong ng importansya ng kooperatiba, ipinaliwanag din niya na malaking tulong ang ibinibigay na suporta at tiwala ni Governor Hermilando Mandanas sa naturang sektor.
Matatandaan na sa termino ni Governor Mandanas, noong siya ay unang maging punong lalawigan, nabuo at naitatag ang tanggapan na mangangasiwa sa mga programa at inisyatibong pang-kooperatiba.

383 ang mga Aktibong Kooperatiba sa Lalawigan

Sa ngayon, sa buong Lalawigan ng Batangas, mayroon 383 coops na kabilang sa micro and small cooperatives, habang 17 naman na mga kooperatiba ang nabibilang sa large cooperatives level o yaong may asset na mahigit sa ₱100 million. Batay sa nasabing bilang, ang tatlo sa mga ito ay nakahanay naman sa billionaires’ cooperative o may asset na umaabot na sa bilyong pisong halaga.

Sa naging ulat naman ni Mr. Roderick Garbin, Cooperative Development Division Chief ng PCLEDO, inilahad niya na ilan sa napakaraming proyekto o tuloy-tuloy na ipinagaganap ng PCLEDO ang pagbibigay ng kanilang tanggapan ng technical at financial assistance. Aniya, nakatuon sila sa pagbibigay ng mga pagsasanay sa lahat ng mga opisyal ng kooperatiba para sa wasto at mahusay na pamamalakad.

Bilang ang PCLEDO ay isang accredited training provider ng Cooperative Development Authority (CDA), naghahatid din sila ng mga specialized trainings para makatugon sa mga kaukulang requirements na kinakailangan ng CDA. Kasama rin dito ang pagtutok sa pagbibigay ng mandatory trainings para sa mga coop officers, pagtulong sa policy formulation at strategic planning, at guardianship program, kung saan tinututukan ang mga katanungan o kahilingan ng bawat bayan at lungsod.

Nabanggit din ni Ginoong Garbin na ang lalawigan ay patuloy na nakatutok sa mga micro and small cooperatives na tinutulungan nila para maka-graduate o umangat sa large cooperative status.
Bagaman nananatiling hamon, tiniyak naman ni Gng. Atienza na matututukan nila ang mga micro and small cooperatives. Sa tulong aniya ng diwa ng cooperativism at cooperation, nagsisilbi silang mga coach, mentors, at mga guro sa ibang mga maliliit o nagsisimula pa lamang na mga coop. Binuksan din nila ang ideya na ang mga koooperatibang “technically-capable” ay tumulong o magbigay ng ilang gabay sa mga micro and small coops.

Tulong sa Agri-based Coops, Pagsulong ng Koop para sa Kabataan

Ilan pa sa kanilang mga naipamahaging tulong ay ang pagbibigay ng financial assistance sa mga agri-based cooperatives. Dito ay umalalay ang PCLEDO sa re-population program ng mga kooperatibang naapektuhan ang kanilang mga alagang baboy ng African Swine Fever. Ilan sa mga ito ay ang Malalim Multi-Purpose Cooperative sa Batangas City, Buklod-Unlad Multi-Purpose Cooperative at Tilambo Multi-Purpose Cooperative sa Bayan ng Taysan, BAGO Multi-Purpose Cooperative sa Bayan ng Ibaan, Sangkap Multi-Purpose Cooperative sa Lungsod ng Lipa, at Lucban Multi-Purpose Cooperative sa Bayan ng Balayan.

Dagdag pa rito ang pagtugon ng PCLEDO sa mga modern challenges, gaya ng digitalization at pagsusulong ng kahalagahan ng kooperatiba sa susunod na mga henerasyon. Dito ay tumatanggap sila ng mga estudyante na sumasailalim sa on-the-job training program, lalo’t higit ang mga may kurso na accountancy at business operations. Para kay Gng. Atienza, isa itong paraan para maipalaganap ang adbokasiya ng kooperatiba sa sektor ng kabataan.

Samantala, ilang aktibidad naman ang inilaan ng PCLEDO para sa pakiisa sa selebrasyon ng National Cooperative Month ngayong taon. Ayon kay Gng. Atienza nagkaroon na sila ng kick-off activity noong ika-6 ng Oktubre para sa isang cooperative night.

Nagtapos na rin anila ang kanilang Coop Quiz sa Municipal Level o pagtatagisan ng kaalaman pagdating sa kooperatiba ng mga mag-aaral sa iba’t ibang paaralan sa probinsya. Nakatakda na anilang isunod dito ang provincial level ng kompetisyon, na nasa ika-labing dalawang taon nang isinasagawa katuwang ang Kagawaran ng Edukasyon.

Nakatakda namang idaos ang kanilang culmination activity sa ika-26 ng Oktubre para bigyang-parangal ang mga kooperatiba na nagpamalas ng outstanding accomplishment at good practices.
Ang pagdiriwang ng Cooperative Month ay sang-ayon sa Republic Act No. 11502 na taunang inoobserbahan para kilalanin ang kontribusyon ng mga kooperatiba bilang isa sa mga nagpapatingkad sa paglago ng ekonomiya sa bansa.

Mark Jonathan M. Macaraig – Batangas Capitol PIO

Like
Like Love Haha Wow Sad Angry

Comments are closed.