July 11, 2023
Binigyang-pagkilalala ng Pamahalaang Panlalawigan ng Batangas, sa pamamagitan ng Provincial Assistance for Community Development Office, ang mga natatanging kabataang Batangueño na kumatawan sa Pilipinas sa mga internasyunal na kompetisyon at nagkamit ng karangalan sa larangan ng Karatedo.
Naganap ito noong ika- 10 ng Hulyo 2023 kasabay ng Flag Ceremony ng Kapitolyo, sa pangunguna nina Batangas Governor DoDo Mandanas, Acting Vice Governor at 5th District Senior Board Member Claudette Ambida at iba pang mga miyembro ng Sangguniang Panlalawigan, kung saan ipinagkaloob sa mga ito ang mga medalya, sertipiko ng pagkilala at insentibo.
Pinangunahan ang mga awardees ni Sakura Alforte na nanalo ng medalyang ginto sa Women’s Individual Kata sa 32nd South East Asian Games sa Cambodia noong Mayo 2023.
Nakatanggap din ng parangal ang apat na karateka na mula sa Lungsod ng Batangas at mga miyembro ng Association for the Advancement of Karatedo o (AAK), na nagpamalas ng galing sa 2nd Shureido International Karate Cup na ginanap sa Mall of Asia, Lungsod ng Pasay noong ika-23 hanggang ika-25 ng Hunyo 2023.
Tinanghal na champion para sa kategorya ng Boys’ Kumite si Tim Hernandez ng Brgy. Banaba West, samantalang bronze medalists naman sina Dean Caleb Montalbo ng Brgy. Balagtas sa kategoryang Beginners’ Kata, Weiland Magadia ng Brgy. Banaba East sa Boys’ Cadets, at Casey Trina Bobadilla ng Brgy. Pallocan West sa Girls’ Kumite.
Mon Antonio A. Carag III / Photos: Francis Milla – Batangas Capitol PIO