August 27, 2022
Matapos salantahin ng 7.3 magnitude na lindol ang Lalawigan ng Abra noong nakaraang buwan ng Hulyo, nakatakdang magpahatid ng tulong ang Pamahalaang Panlalawigan ng Batangas sa mga pamilyang naapektuhan ng kalamidad doon na sumira sa nasa 23,000 mga kabahayan.
Sa isinagawang online meeting ng Batangas Provincial Disaster Risk Reduction and Management Council noong ika-10 ng Agosto 2022, inaprubahan ng konseho ang paglalaan ng ₱500,000.00 mula sa Quick Response Fund (QRF) ng lalawigan bilang tulong ng Batangas sa mga napinsala ng lindol sa nasabing lalawigan sa Hilagang Luzon.
Sa naging paglalahad ni Atty. Kimberly Dyane Garcia – Abaya, PDRRMO Research and Planning Division Chief, ang hangarin ng konseho sa pagtulong gamit ang bahagi ng Local Disaster Risk Reduction and Management Fund ay tumatalima sa batas, sa ilalim ng Republic Act 10121 o mas kilala bilang The Philippine Disaster Risk Reduction and Management Act of 2010.
Sa kasalukuyan, ₱81,688,798.00 ang halaga ng QRF na nakalaan sa mga gastusin para sa anumang kalamidad na posibleng maranasan ng lalawigan.
Ayon naman kay PDRRMO Head Joselito Castro, bagaman at andiyan pa rin ang panganib na maaaring idulot ng mga sakuna o kalamidad, iniatas umano kaagad ni Governor DoDo Mandanas na magpaabot ng tulong ang Kapitolyo sa Lalawigan ng Abra.
Matapos ang nagkakaisang pagsang-ayon ng konseho, na pinamunuan ni Provincial Administrator Willie Racelis, nakatakdang ipadala ang nasabing resolusyon sa Sangguniang Panlalawigan para sa ganap na pagpapatibay nito.
Kabilang sa dumalo sa nasabing pagpupulong sina Philippine Institute of Volcanology and Seismology Taal Resident Volcanologist Paolo Reniva, kinatawan ng Batangas Provincial Police Office, local DRRMO ng mga bayan at lungsod sa Batangas, at mga department heads ng pamahalaang panlalawigan.
Jun Magnaye – Batangas PIO Capitol