Lalawigan ng Batangas, Hinirang ng DICT bilang Top Performing Province sa CALABARZON Region

ASEAN Batangas Access (ABA) Zone – A showcase of Batangas’ Growth Potential
September 14, 2022
Notice of Vacant Positions
September 19, 2022

September 16, 2022

Batangas PHO, Kinilala sa Implementasyon ng Vaccine Management System

Isang natatanging karangalan ang nakamit ng Lalawigan ng Batangas matapos itong kilalanin bilang Top Performing Province sa buong rehiyon ng CALABARZON sa ginanap na Gawad Pasasalamat at Parangal Ceremony 2022: A tribute to Modern Heroes of Pandemic ng Deparment of Information and Communications Technology (DICT) Region IV noong ika-15 ng Setyembre sa Lima Park Hotel, Malvar, Batangas.

Ang nasabing komendasyon sa lalawigan, na personal na tinanggap ni Provincial Health Office (PHO) Department Head, Dr. Rosvilinda Ozaeta, kasama ang ilang mga kawani ng PHO, ay kumikilala sa inisyatibo ng Batangas para sa ipinamalas nitong buong suporta at dedikasyon upang maisalin ang lahat ng vaccination records sa Vaccine Administration System Line List (VASLL) at Vaccine Operations Reporting System (VORS).

Ang dalawang vaccine-related systems ay mahalagang paraan upang lubusang maipaganap ang mga kaukulang istratehiya pagdating sa layunin ng pamahalaan sa pagbabakuna sa mga Pilipino. Malaki rin ang maitutulong nito sa pagkakaroon ng maayos, wasto, protektado, at sentralisadong pagproseso ng mga datos o rekord.

Ayon kay Dr. Ozaeta, ang tagumpay na ito ng lalawigan ay mula sa pinagsama-samang pagsisikap ng bawat bayan at lungsod na kaisa sa adhikain na masuportahan ang mga ganitong programa ng pamahalaan.

Samantala, nagkamit din ng rekognisyon ang Provincial Health Office para naman sa mahalagang kontribusyon nito na nagbigay katuparan o kaganapan sa proyekto ng DICT kaugnay sa implementasyon ng Vaccine Information Management System (VIMS) at pagtalima sa proseso ng Vaccine Administration System (VAS) line list.

Lubos naman ang kagalakan ni Governor DoDo Mandanas sa mga natanggap na pagkilala, na aniya ay patunay lamang sa maalab na pagbibigay-halaga ng lalawigan at pagiging laging handa nito na umagapay sa mga programang ipinatutupad ng DICT at maging ng pamahalaang nasyunal.

Samantala, binigyan din ng special award ang Bayan ng Balayan kung saan nakuha nito ang VaxCertPH Award.

Ang pagkilalang ito ng DICT ay pagbibigay-pugay sa mga katuwang na lokal na pamahalaan sa layunin na magkaroon ng isang sistematikong pamamaraan ng pamamahala ng datos ng pagbabakuna, na transparent o bukas para sa mga mamamayang Pilipino.

Mark Jonathan M. Macaraig – Batangas Capitol PIO

Like
Like Love Haha Wow Sad Angry

Comments are closed.