September 8, 2022
Nagsimula nang umarangkada sa Bayan ng Talisay ang pagsasagawa ng Information Tour kaugnay sa DoonPoSaAminSaBatangas@DigitalFilmFestival2022, na may layunin na mas mapalawig pa ang paghihikayat sa mga Batangueño na makiisa at lumahok sa kauna-unahang paglulunsad ng ganitong uri ng patimpalak sa Lalawigan ng Batangas.
Ang naturang aktibidad, na ginanap noong ika-7 ng Setyembre 2022, ay ang simula o una sa serye ng mga nakatakdang gagawing pagtungo sa mga bayan at lungsod sa probinsya.
Naisakatuparan ito sa magkakabalikat na pangangasiwa ng Pamahalaang Panlalawigan ng Batangas, sa pamamagitan ng Provincial Tourism and Cultural Affairs Office, Batangas Forum for Good Governance and Development Association, Inc. (Batangas Forum), Pamahalaang Bayan ng Talisay, at pamunuan ng Club Balai Isabel sa Talisay, na napili ring lokasyon para sa idinaos na info tour.
Nagsilbing mga partispante ng pagtitipon ang ilang mga opisyal ng Sangguniang Kabataan Federation, mga estudyante, mga guro, at vloggers mula sa Talisay, Batangas.
Naging bahagi ng programa ang muling pagtalakay ni Batangas Forum member Leo Martinez, ang kilalang Batangueño icon, veteran actor, at director, sa kung paano nagsimula ang digital film festival. Ipinaliwanag niya na adhikain ng inisyatibong ito ang makabawas sa “culture of negativity” sa social media, na dapat aniya ay mapalitan ng mga positibong pananaw at creative contents sa pamamagitan ng “pride campaign” tungkol sa Batangueño at Batangas.
Dito na aniya pumasok ang paglalapat ng ideya, na magsisilbi ring tema o gabay sa mga kalahok, sa malikhaing pagtatampok sa kung anu-ano nga ba ang mga dapat ipagbunyi at ipagmalaki sa lahat, na mabuti, maganda, magiting, kakaiba, at natatangi sa probinsya ng Batangas at mismong sa pagkatao ng mga Batangueño.
Ang paligsahan ay isang paraan din aniya upang mapangalagaan at pagyamanin pa ang makasaysayan at mayamang kultura ng Batangas. Naniniwala si Martinez na sa galing at pagiging malikhain ng mga Batangueño, masisimulan umano ang bagong industriya sa Batangas kung saan uusbong ang mga likha na batay sa “intellectual property.”
Nanawagan din si Martinez na hindi magiging matagumpay ang proyekto kung gobyerno lamang ang kikilos, dahilan upang isagawa ang information tour at makipagtulungan sa pribadong sektor, nang sa gayon ay maipakilala pa ito sa publiko at mahikayat na sumali.
“Naglalaan si Governor DoDo Mandanas ng premyo para sa mga mananalo, magbibigay ang Pamahalaang Panlalawigan bilang suporta sa magandang inisyatibong ito,” ani Martinez.
Nagbahagi rin si Martinez ng ilang mahahalagang kaalaman patungkol sa paggawa ng video o content material. Ipinaalala niya na kinakailangang maghari ang kuwento, alamin ang layunin o objective kung bakit ito ginagawa, at dapat magbibigay inspirasyon sa mga makakapanood nito.
“Ang tunay na filmmaking ay paghahain ng mga kuwento na galing sa puso mo, na makakantig ng puso ng iba,” dagdag pa ng batikang direktor.
Sa naging mensahe naman ni Vice Governor Mark Leviste, na tumatayo ring Chairperson ng Committee on Tourism, Culture, and Arts, nangako ito na buo ang magiging suporta ng Sangguniang Panlalawigan para sa mga programang magsusulong ng pag-unlad sa larangan ng ugnayang-panturismo at kultura.
“Kami naman po sa Sangguniang Panlalawigan ay handa rin po na magpasa ng isang resolusyon o batas to institutionalize and legislate the sustainability of our program. Sapagkat ang kahalagahan po nito ay hindi lamang ngayon at sa taon na ito, kung hindi sa darating pang mga panahon na maipagpatuloy ang pagtuklas at pag-educate sa ating mga kababayan, higit sa mga kabataan, sa yaman ng kultura, kasaysayan at lahi ng ating lalawigan,” ayon sa bise-gobernador.
Kabilang sa mga nakiisa at dumalo sa Information Tour sina Talisay Mayor Nestor Natanauan, Talisay Tourism Operations Officer Genalyn Barba, Batangas Cultural and Arts Council President Chiqui Trivino, PTCAO Assistant Department Head Katrin Buted, Club Balai Isabel Owner Nelson Terrible, mga miyembro ng Batangas Forum, at ilang mga media practitioners sa lalawigan.
Mark Jonathan M. Macaraig/Photos: Karl Ambida – Batangas Capitol PIO