February 17, 2022
Aabot sa ₱451,000 na halaga ng agricultural inputs ang naipamahagi ng Pamalahaang Panlalawigan ng Batangas sa ilang mga magsasaka ng Bayan ng Rosario, Batangas mula sa inisyatibong proyekto ni Governor DoDo Mandanas na “Hanapbuhay: Ika’y Magtanim” ngayong araw, ika-17 ng Pebrero 2022.
Ang nasabing programa ay naisakatuparan sa ilalim ng pangangasiwa ng Office of the Provincial Agriculturist (OPAg), na patuloy na nagpapaganap ng iba’t ibang agri-based initiatives upang makapagbigay ng tulong at suporta sa mga indibidwal na ang kabuhayan ay nasa sektor ng agrikultura.
Sumentro ang isinagawang distribusyon ng agri inputs sa temang “Ayuda sa mga Magsasaka at Mangingisda, para sa aning masagana” at personal na dinaluhan nina Governor DoDo Mandanas at Vice Governor Mark Leviste, kasama sina 4th District Board Members Jonas Patrick Gozos at Jesus De Veyra, 4th District Congresswoman Lianda Bolilia, AnaKalusugan party-list nominee, Atty. Gina Reyes-Mandanas, at ilang mga opisyal ng pamahalaang panlalawigan.
Walong samahan mula sa naturang bayan ang napagkalooban ng mga agricultural inputs na kinabibilangan ng butong pananim at pataba o complete fertilizer.
Ayon sa gobernador, bagaman nagpapatuloy pa rin ang dalang epekto ng pandemya dulot ng COVID-19, hindi aniya mahihinto ang pagbibigay ng suporta sa mga magsasaka at mangingisda ng lalawigan lalo’t higit na ang probinsya ng Batangas ay idineklara kamakailan ng Department of Agriculture bilang gateway ng agri-industrial business corridor ng bansa.
Sa kasalukuyan, ilang mga agricultural interventions na ang nailunsad ng OPAg, bukod sa mga industrial approach o major infrastructures, na naglalayong mapanatili ng lalawigan ang estado nito bilang isang highly agri-industrialized province.
Ilan lamang sa mga ito ay ang “Halina Ika’y Magtanim” at “Halina Ika’y Matuto,” na nakatuon sa pagbibigay ng kaalaman at kalinangan pagdating sa pagsasaka at pangingisda.
Mark Jonathan M. Macaraig/Photo: Eric Arellano – Batangas Capitol PIO