GenS Project, Inilunsad sa Lalawigan ng Batangas

Child Welfare Code ng Batangas Province, nakatakda nang ipasa sa Sangguniang Panlalawigan
October 25, 2023
Magiting Coop Awards 2023, Ginanap sa Batangas Capitol
October 27, 2023

October 26, 2023

Nakiisa ang Pamahalaang Panlalawigan ng Batangas, sa pamamagitan ng Provincial Government Environment and Natural Resources Office (PGENRO), sa pagdiriwang ng “Consumer Welfare Month,” na isinasagawa tuwing buwan ng Oktubre bawat taon sa pangunguna ng Department of Trade and Industry (DTI).

Kaugnay nito, iba’t-ibang mga gawain ang sabay-sabay na isinagawa ng DTI para mapalakas ang kamalayan ng mga mamamayan sa tama at pangmatagalang pananaw sa responsableng pagkonsumo at produksyon.

Isa na rito ang paglulunsad ng isang proyekto na tinatawag na GenS o Generation Sustainable Joint Project, sa pagitan ng DTI Batangas, PGENRO, na tumayong kinatawan ni Gov. Hermilando Mandanas, at Jollibee Foods Corporation, kung saan lumagda sila sa isang kasunduan.

Ang mga nabanggit na ahensya at pribadong sektor ay may matatag, magandang ugnayan at magkakaparehong adbokasiya upang mapanatili, mapangalagaan at maisaayos ang kapaligiran lalo’t higit sa buong Lalawigan ng Batangas.

Layunin ng GenS na mahikayat ang mga mamimiling Batangueño na iwasan o bawasan ang paggamit ng mga plastik sa pagkain mula sa mga drive-thru at take-out orders sa mga fast food stores, ugaliing gumamit ng mga kagamitang magagamit muli kapag kumakain sa mga fast food restaurants at sa iba pang lugar sa labas ng tahanan, ugaliing magdala ng mga personal na kagamitan upang maiwasan ang paggamit ng mga disposable plastics, at makiisa sa ganitong pagsasanay at pagtanggi sa paggamit ng plastic upang matamo ang pagpapanatili ng kagandahan ng kapaligiran at likas na yaman.

Samantala, ang mga mamimili na bibili sa pamamagitan ng drive thru o take-home orders na hindi kukuha ng plastic utensils ay bibigyan ng isang coupon sa bawat resibo sa Jollibee. Kapag nakabuo ng limang coupons, katumbas ito ng isang libreng burger sa nasabing fast food store.

Ang proyektong ito ay ipatutupad ng Jollibee Foods Corporation, mula Oktubre 25 hanggang Nobyembre 25, 2023, sa mga branches nito, sa Batangas City (Pallocan, Batangas Burgos, SM Batangas at Kumintang), Lemery (Lemery Illustre, Xentromall Lemery at SM Lemery), Lipa City (Marawoy, Lipa Uptown, Fiesta World Lipa at SM Lipa), Tanauan City (Tanauan at Waltermart Tanauan), Nasugbu, Sto. Tomas City at Caltex sa Tuy.

Ang nasabing paglulunsad ay pinamahalaan ng DTI Batangas, sa pangunguna ni Provincial Director Leila M. Cabreros. Gayundin, nagbigay ng mensahe bilang pakikiisa sina Dr. Marivic P. Esmas, Assistant Department Head ng PGENRO; G. Luisito “Bong” A. Tan, Area Customer Activation Senior Manager ng Jollibee Foods Corporation; at Ms. Marissa C. Argente, Regional Director ng DTI Region IVA. Dumalo din ang ilang mga empleyedo ng PGENRO upang maging saksi sa paglulunsad ng nasabing proyekto.

PGENRO – Batangas PIO

Please follow and like us:
fb-share-icon
Like
Like Love Haha Wow Sad Angry
1

Comments are closed.